Anne idinaan sa iyak ang pagkapikon kay Vice

Ayaw magkomento ni Vice Ganda sa totoong estado ng relasyon nila ng Hashtag member na si Ion.

Sa 10th anniversary presscon ng “It’s Showtime” noong Linggo ay tinanong si Vice tungkol dito. Ang sagot ni Vice ay natutuwa siya dahil maraming tao ang masaya na may love life siya.

Isang bagay din na ipinagpapasalamat ni Vice ay ang nalalapit na 10th anniversary presentation ng “It’s Showtime”.

Hindi raw kasi nila akalain na aabot sila ng ten years. Ikinuwento pa niya na there was a time na nag-ask siya kung pwede siyang mag-leave sa show. Ayaw naman siyang payagan na umalis ng management dahil siyempre poste siya ng show.

Pero that time, pakiramdam niya ay sobrang napapagod siya sa show dahil marami siyang dapat gawin like mag-isip kung ano ang gagawin na sample-sample. O kaya ‘yung mag-isip para roon sa nag-text.

Eh feeling niya eh it’s not worth it to spend so much time on the show for a talent fee of P5,000 a day.

Pero nang bumalik naman si Vice sa show after niya magbakasyon ay nadagdagan naman ang TF niya.

For sure, mas malaki na ang talent fee ni Vice Ganda sa show, especially now na magsasampung taon na ang show.

Masaya rin si Vice sa nabuong friendship sa kanila ng mga host. Para na silang isang pamilya.

Kung nakikita man daw sa show na may pikunan among the hosts, hindi naman daw ito nagtatagal at nagkakabati na silang muli.

Inamin ni Anne na minsan ay napikon siya kay Vice. Dinaan na lang niya ito sa iyak. Hindi raw niya masabi kung ano ang hinanakit niya kaya nag-text siya nang mahaba kay Vice.

Sey ni Vice, hindi niya tinapos basahin ang mahabang text ni Anne. Pero kinabukasan kinalabit lang niya ito sa “It’s Showtime” at nagtawanan na sila.

Dapat daw abangan ang anniversary presentation ng “It’s Showtime” dahil maraming pasabog na magaganap. Maraming segments din ang ibabalik at may bagong segments din na ipapasok.

Myrtle ‘di bongga ang career

Si Myrtle Sarrosa ang big winner sa “PBB Teens” 4th edition noong 2012 pero hindi naging bongga ang career niya, ‘di tulad ng ibang “PPB Teen” winners na nauna sa kanya.

Buti na lang, bilib sa kanya ang Regal Entertainment at binigyan siya ng break para maging artista sa pelikula.

Isa siya sa bida ng “Ang Henerasyong Sumuko sa Love”, ang bagong movie ni Direk Jason Paul Laxamana tungkol sa mga millennial at ang mga problemang kinakaharap nila pagdating sa pag-ibig at sa buhay.