Sa pocket interview kay Jasmine Curtis para sa pelikulang “Cara X Jagger” ay nabiro ang aktres na ‘pag nagkataon ay baka maglaban pa sila ng ate niyang si Anne Curtis sa Best Actress award next year para naman sa “Just A Stranger”.

“Oh my gosh!” sambit ni Jasmine.

Hindi raw niya alam kung mano-nominate siya for this film dahil hindi pa raw niya napanood ang buong pelikula pero siyempre, if ever ay wish niya rin na maging nominee.

“Sana, sana maging contender ako sa tabi ni ate. It’s also hard. Ang daming components din ng pagiging Best Actress bukod sa acting component, I’m sure they also consider a lot of things.

“So, sana. I mean, you know, hopeful ako palagi sa mga ganyang bagay. I love awards,” sey niya sabay-tawa.

Kung sakali bang sabay silang mano-nominate ay magpaparaya siya sa kanyang ate?

“Hindi,” ang sagot agad ni Jasmine. “Fair dito. Siyempre, kailangan mong pantayan kung anuman ‘yung na-garner niya in the years of her experience.

“Kung gusto kong manalo or kung gusto kong magka-chance nu’n, dapat pantay. ‘Yung approach ko, eh galingan ko rin. Kasi, iba rin naman ‘yung ilang years, 20 years na siya in the business, 20 years na siya in the business and I’m less than 10, so siyempre, idi ba, iba rin naman ‘yung pressure to reach whatever standard that you will hold now for us two, especially,” aniya.

Hindi puwedeng ibibigay na lang daw niya ang award dahil mas matagal na ang ate niya sa showbiz.

“Hindi, eh kung ang tingin ng tao, ‘di ba, o ‘di sa akin na siya,” saad pa ni Jasmine.

Ang “Cara X Jagger” ay first lead role ni Jasmine sa mainstream cinema, ganundin ang leading man niyang si Ruru Madrid and we’d say it’s really about time at dapat nga ay noon pa.

Showing na ngayong Nov. 6 ang “Cara X Jagger” directed by Ice Idanan under APT Entertainment and Cignal Entertainment.

Juday magpapabuntis na naman?

Taong 2013 pa nang huling mapanood si Judy Ann Santos sa isang drama series, ang “Huwag Ka lang Mawawala” kaya naman excited siya na finally ay mapapanood na ang bago niyang soap na “Starla” sa ABS-CBN lalo pa nga’t bagong karakter ang kanyang io-offer sa televiewers.

Bida-kontrabida si Juday sa “Starla” at pag-amin niya, talagang masamang tao ang kanyang karakter na first time niyang gagawin though nagpatikim na siya sa guesting niya kamakailan sa “FPJ’s Ang Probinsyano” dahil dark din ang kanyang character doon na isang serial killer.

Juday honestly thinks that it’s about time para gumanap siya ng mga ganitong klaseng role na malayong-malayo sa mga dati niyang serye na siya ang inaapi.

“Ang tagal ko kasing hindi nakapag-teleserye so, I wanted to show something different, something new,” paliwanag ni Juday kahapon sa grand mediacon and press screening ng “Starla”.

“Gusto kong gumawa ng isang karakter na hindi ko pa nagagawa sa isang teleserye o sa buhay ko sa pagiging artista. Sakto rin na ‘yung pagiging kontrabida sa isang teleserye na pambata. Hindi siya ganu’n kaseryoso kasi nga, may dahilan kung bakit naman siya naging matigas. Hindi naman siya basta masamang tao lang.”

Excited na nga raw siyang mapanood ng mga anak niya ang serye dahil ang alam daw ng mga bagets ay TV host siya at hindi aktres. Ayaw daw maniwala ng mga bata na umaarte rin siya.

Nabanggit nga rin ni Juday na sa tuwing pagkatapos ng isang teleserye niya ay nabubuntis siya kaya natatagalan din bago siya mapanood ulit.

This time ba ay magbubuntis siya ulit pagkatapos ng soap?

“At 41? Alam mo, naiisip ko naman. Naiisip ko lang, period. Pero hindi pa naman namin naiisip gawin. Kasi, as you age, marami nang kailangang i-factor-in, ‘di ba?

“Siyempre, hindi na ganu’n kadaling magbuntis, hindi na ganu’n kadaling… ‘yung energy mo, nag-iiba na. And ‘yung reality of raising a child at this day and age, it’s very different and very difficult. ‘Yung gastos, lahat, eh.

“Pero when you see your kids growing up beautifully and napapalaki mo sila ng tama, parang gusto mo pang magdagdag nang magdagdag. Ang sakit lang talagang manganak.

“Pero kung pwede nga lang na hinuhugot mo na lang sa kilikili ko ‘yang mga bata, okay lang ‘di ba,” natatawa niyang sey.

“Pero parang sa ngayon, okay naman kami sa tatlo, sapat na kami sa tatlo.”

Ang “Starla” ay magsisimula na sa Oct. 7 at kasama rin ni Juday ang kalilipat lang sa ABS-CBN na si Raymart Santiago, Joem Bascon, ang mga batang sina Jana Agoncillo at Enzo Pelojero at marami pang iba.