Anne malakas ang laban sa Best Actress

tonite-pak-allan-dionesAng “Aurora” ni Anne Curtis ang unang MMFF 2018 entry na napanood namin, sa red carpet screening nito sa Ayala Malls The 30th Cinema nu’ng Wednesday night.

Mystery-thriller ang “Aurora” ayon sa Viva Films at Aliud Entertainment, so kung ang hanap n’yo sa Pasko ay katatakutan na titili at magugulat kayo sa loob ng sinehan ay hindi n’yo ‘yon makikita rito.

Aurora ang pangalan ng barkong sumadsad sa kabatuhan malapit sa isang isla. Namatay ang halos lahat ng mahigit isanlibong pasahero nito.

Nang tumigil na ang coast guard sa paghahanap ng mga survivor at pati na ng mga bangkay ng nasawi, kinontrata ng mga namatayan si Leana (Anne) na maghanap ng mga bangkay kapalit ang P50K bawat katawan.

Si Leana ay may-ari ng isang lumang inn sa may tabi ng dagat na halos walang kliyente. Sa tulong ng dati niyang nobyong si Ricky (Marco Gumabao) at ng bangkerong si Eddie (Alan Paule) ay hahanapin nila ang mga bangkay, dala na rin ng awa ni Leana sa pamilya ng mga namatay.

Hindi kami magtataka kung maghakot ng technical awards ang “Aurora” sa MMFF Gabi ng Parangal sa December 27 sa The Theater Solaire dahil nakakaangat ito sa aspetong teknikal.

Dolby Atmos ang sinehan na pinanooran namin nito kaya ramdam na ramdam namin bawat hampas ng alon, hagupit ng hangin at iba’t ibang uri ng tunog, pati na ang dumadagundong na musika ng pelikula.

Kinarir ni Direk Yam Laranas ang cinematography nito, na malungkot ang kulay at laging nagbabadya ng panganib. May mga shot na impressive ang CGI ng nakatagilid na barkong Aurora.

Kakaibang Anne Curtis ang makikita rito. Wala siyang makeup, deglamorized, medyo pinaitim at ordinaryong island girl ang peg.

Malaki ang laban ni Anne sa Best Actress award dahil sa kanya talaga nakaatang ang buong pelikula at kumbaga sa barko ay siya ang matibay na angkla nito.

In fairness ay magaling dito si Anne kahit mostly internal ang takot na nararamdaman ng kanyang karakter. Ni minsan ay hindi siya tumili rito dahil tila mas gusto ni Direk Yam na gapangan ng kilabot ang audience kesa magulat at humiyaw sa takot.

Maganda ang role ng bagets na introducing dito na si Phoebe Villamor bilang kapatid ni Anne na si Rita, na nagagawang makipag-usap sa mga patay.

Lotlot walang utang na loob kay Nora

Nang i-post ng bagong kasal na si Lotlot de Leon ang mga photo mula sa wedding nila ni Fadi El Soury ay hindi matapos ang mga tanong kung nasaan ang kanyang inang si Nora Aunor.

Sa pinost niyang pic nila ng kanyang Daddy Boyet de Leon ay nagpasalamat si Lot sa pagmamahal nito and for always being there. Never kasi itong nawala lalo na sa mahahalagang okasyon sa buhay niya.

Marami na naman ang kung ano-ano agad ang sinabi against Lot dahil wala si Ate Guy sa kasal niya. Kesyo wala siyang utang na loob at kung ano-ano pa, na as usual ay hindi pinatulan ni Lot.

Kahapon ay nag-post siya ng childhood photo niya na kasama ang lola niya at ang kanyang Mama Guy.

Mahabang bulalas ni Lot, “Maraming beses ko pinag-isipan kung dapat pa ba akong magsalita tungkol sa mga personal na nangyayari sa amin ng mommy ko. Naisip ko na siguro dapat hindi na dahil may masabi man ako na maganda ay haha­napan pa din ako ng pagkakamali, pero naisip ko na hindi ko naman ito ginagawa para sa iba kundi para sa akin at sa aking ina.

“Maaga ko nalaman na ampon ako, ‘Ampon ni Nora’ yan ang madalas ko naririnig noon. Utang na loob ko ang buong buhay ko sa kanila ni lola. Sa mga hindi nakakaalam, ang tumanggap sa akin ay ang lola ko. Siya ang dahilan kung bakit napunta ako sa kanila. Tinanggap nila ako ng buong puso. Nang magkakilala si mommy at daddy, inako ako ng daddy ko at ginawang De Leon.

“Ang mommy ko ang bread winner sa pamilya. Nagsumikap na iahon lahat ng mahal niya sa buhay. Nakasanayan naming magkakapatid na lagi siyang nagtratrabaho. My mom has been through a lot in her life. Nakita ko at witness ako sa lahat ng pinagdaanan niya. Matibay siya. Kahit kailan hindi niya ipinakita sa aming magkakapatid na nawalan siya ng pag-asa sa buhay kahit alam namin na nasasaktan siya.

“She is the most generous person I know. Pagdating sa relasyon namin sa kanya. Mommy siya. She tried her best to do her duties as a present mom. Nung nagkapamilya ako, tsaka ko lang naintindihan ang mga payo at sakripisyo na ginawa din niya. Kaya lahat din ng kaya ko, binigay ko.
Lagi niyang bilin magmahalan kami magkakapatid at yun ay ginawa ko sa abot ng aking makakaya.

“Hindi ko na ididetalye ang mga kaganapan sa buhay namin. Pero kung may tao mang importante na gusto ko din maging bahagi sa mahalagang okasyon sa buhay ko at buhay ng mga anak ko ay siya.

“May mga bagay na mahirap ipaliwanag pero sa isang parte lang ako sigurado. Mahal ko siya at alam ko mahal niya din ako, kami ng mga kapatid ko. At kahit ano pa sabihin ng kung sino, kami ang magkapamilya, kami ng mga kapatid ko at siya, at walang sino man ang makapagbabago doon.”(Allan Diones)