Umani ng magkakaibang reaksyon ang ipinasang batas sa Senado na nagtatakda na lakihan ang plaka ng mga motorsiklo upang panlaban daw sa mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo.
Kung tutuusin, maganda ang layunin ng panukala pero duda ang ilang kurimaw kung ang pagpapalaki nga ba ng plaka ang solusyon para hindi na gumamit ng motorsiklo ang mga birador na killer at mga nanghahablot ng bag. Aba’y sa dami ng mga namamatay sa mga aksidente na kinasangkutan ng motorsiklo, at sa dami ng mga krimen na nagawa ng mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo, pwede nang tawagin na sasakyan ni kamatayan ang motorsiklo.
Lumitaw sa tala ng MMDA na ang motorsiklo ang nanguna sa listahan ng mga sasakyan na nasangkot sa mga aksidente sa taong 2016 na umabot sa 23,105, at nasa 218 katao ang namatay, at 11,456 ang nasugatan. Iyan ay sa Metro Manila pa lang.
Dahil madaling sumingit sa mga kalsada at madaling manakaw ang mga motorsiklo, hindi na kataka-taka na ito na ang paboritong get-way vehicle ng mga kampon ni ‘Taning’.
Pero ang tanong nga tungkol sa ipinasang panukalang batas sa Senado, ang pagpapalaki nga ba sa plaka at gawing dalawa sa halip na isa lang ang plaka ng mga motorsiklo ang lunas para mapigilan ang mga kriminal sa paggamit ng motorsiklo?
Ngayon pa lang, may mga pumapalag na sa panukala dahil baka hindi raw kumasya at walang mapaglagyan ang malaking plaka na itinatakda sa panukala.
Bukod dito, aba’y hindi pa nga nagagawa at mailalabas ang mga bagong plaka na bayad na para sa mga sasakyan tulad ng kotse at iba pa. May nagdududa tuloy na baka nais lang pagkakitaan ang naturang panukala sa Senado.
Bukod diyan, kahit matukoy naman ang plaka ng motorsiklo eh mahirap pa ring makilala ang mga salarin dahil sa malaking arinola na nakasuklob sa kanilang mukha na kung tawagin ay ‘helmet’. Kung hindi man naka-helmet, may nakatapal na takip sa kanilang mukha na kunwaring proteksyon.
Maaaring makatulong ang panukalang batas na iyan sa Senado, pero ang pinakamahusay na panlaban pa rin sa mga kriminal at mamamatay na nakamotorsiklo ay mabilis at matalinong magkilos ng mga awtoridad para mahuli agad kung hindi man mapigilan ang masama nilang balak.
At sa halip na gawin lang ‘pang-record’ ang mga CCTV camera ng mga barangay at maging sa mga ahensiya ng lokal na pamahalaan, dapat itong tauhan at may laging nagbabantay para makita kaagad kung may gumagalang animal sa kalye, at hindi lang ipapa-rewind at rerebyuhin ang footage sa CCTV kung kailan dapat na at napatay na ang biktima.
Bakit hindi rin ituloy na pagsuotin ng vest na may plaka o ID number ang mga rider, o kaya mas radikal na hakbang na bawal ang magkaangkas sa motosiklo, at kung mag-aangkas eh dapat naka-side ang upo ng back rider para hindi sila makaharurot.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)