ANO ANG KASUNOD? — VP LENI

“Ngayon may bago na namang parating, leaks. Ang tanong ko lang sa sarili ko, bukas kaya ano na?”

Ito ang tanong ni Vice President Leni Robredo­ sa kanyang talumpati kamakalawa ng gabi sa Homecoming Celebration ng Ateneo Student Leaders Assembly sa Ateneo de Manila University matapos ilutang ang #LeniLeaks na iniimbestigahan na umano ng Malacañang.

Hindi na pinalawig ni Robredo ang nasabing isyu subalit ikinuwento­ nito na mas mahirap nang mawala ang kanyang mister na si dating Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo kesa sa mga paninira ngayon sa kanya.

“Ito bang paninira sa akin ngayon, mas mahirap ba siya than losing my husband? I think hindi. Losing my husband is still the more difficult one. And if I was able to survive that, I will be able to survive everything. Ang akin lang, I think I want to impart this with everyone,” ani Robredo.

Ilan sa mga paninira umano sa kanya ay nang akusahan siya na kasama siya sa “oust Duterte” plot kahit paulit-ulit ­niya itong itinanggi at sinabing hindi siya pabor na matanggal ang Pangulo sa puwesto.

Inilitanya rin nito ang isang larawan na ipinalabas ng kanyang mga kritiko na siya, na naglalakad sa tubig na suot ang Salvatore Ferragamo shoes na nagkakahalaga ng $700.

“Kaya sinasabi ko, pwede na pala pumasa ang sapatos ko na ganoon. But you know, most of the things thrown at me are really purely ridiculous. Mayroon daw akong kung anu-ano, mayroong house in Tagaytay. Una, I have a boyfriend, sunod I was married to another­ person before this other­ person, may wedding picture pa kami. All of a sudden at 51 I’m pregnant. I went to the US and I had an abortion — sobrang akala ko pang-­artista lang iyon,” ayon pa kay Robredo.

“Tingin ko ang nararamdaman ko, nararamdaman n’yo rin. Every day that now I’m the VP, I always tell myself it is not the good time to be the VP,” dagdag pa nito­ subalit ayaw umano ­niyang magpaapekto dahil may tungkulin siya sa sambayanang Filipino na hindi dapat madiskaril sa mga ganitong paninira.

“Pero you know, iyon na ang conviction and integrity. As long as you have those two, okay na kayo. Huwag masyado mag-over think. Minsan ‘pag nag-over think na, nakaka-frustrate lalo,” ayon pa kay Robredo sa kanyang talumpati.