Ano ang PTB o pulmonary tuberculosis?

Dr. Rylan Flores

Ngayong linggo, sasagutin natin ang tanong ni Arvin ng Tarlac tungkol sa gamot na iniinom niya para sa PTB. “Puwede kaya sa umaga pagkakain or kung makalimutan at after lunch na inumin ang rifampicin at isoniazid?”

Bago ko sagutin ito, unahin muna na­ting intindihin kung ano ang PTB o pulmonary tuberculosis. Tinatawag din itong primary complex kung sa bata nakikita. Ito ay karamdaman sa baga na nagmumula sa bacteria na mycobacterium tuberculosis. Nakukuha ito sa hangin at nagbibigay ng sintomas ng pag-ubo, plemang may bahid ng dugo, lagnat, pagpawis nang matindi sa hapon o gabi, at mabilis na pagbawas ng timbang. Ang pulmonary tuberculosis ay contagious, kung kaya’t ang mga may ganitong sakit ay kadalasang inihihiwalay sa iba para hindi makahawa.

Ang mga diagnostic procedures na puwedeng gawin para madiskubre ang PTB ay chest x-ray, pag-eksamin ng plema at minsan ay ginagawan ng culture o AFB (acid fast bacillus). Tinitingnan din ang dugo, at nagsasagawa ng skin test na PPD o Mantoux test para makita kung active ang karamdaman.

May bakuna para dito na kasama sa primary preventive care ng ating pamahalaan. Ito ay ang BCG o Bacillus Calmette-Guerin vaccine para maproteksyonan ang katawan natin laban sa PTB na ibinibigay sa sanggol o sa isang bata bago pumasok sa paaralan.

May mga gamot naman sa PTB. Ang tawag dito ay Anti-Koch’s medication na maaaring makuha sa mga health centers o DOTS centers. Katulad ng nabanggit ni Arvin, mara­ming gamot ang kasama dito, kabilang na ang isoniazid, rifampicin, pyrazinamide, at ethambutol. Ang gamutan ay kadalasang umaabot ng 6 na buwan. Dapat magsanay na uminom ng gamot pagkagising ng hindi na ito malimutan. Ang tamang pag-inom ay bago kumain dahil nababawasan ang epekto ng gamot kapag nahaluan ito ng pagkain. Ngunit kung may mga matinding komplikasyon tulad ng pagkahilo, pananakit ng sikmura, naduduwal o pagsusuka, mas mabuti nang uminom pagkakain. Tuloy-tuloy lang ang pag-inom ng gamot at huwag pababayaang makalimutan dahil sayang lang. Kung matagal na panahon ang napalipas sa hindi pag-inom ng gamot, uulit-ulit sa umpisa ang gamutan. Maaaring maging sanhi ito ng pagkakaroon ng resistance at mangailangan ng mas advanced na gamot na kadalasan mas mahal pa at mas maaaring magdulot ng mas mada­ming komplikasyon. Ugaliing uminom ng gamot at makikita mo na sa unang linggo pa lamang, mawawala na ang lagnat at ubo at sa susunod na buwan ay mas lulusog na ang katawan.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Phi­lippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentayo at katanungan.