Ano ang solusyon?

Sobra-sobrang sasakyan sa kalsada ang sinisilip ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na dahilan kaya mas matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang dinaranas ngayon sa Metro Manila.

Sinabi ni MMDA Chairman Danilo Lim, na taun-taon ay nadadagdagan ang mga behikulo sa mga lansangan dahil sa paglago ng industriya ng mga sasakyan sa bansa.

Ayon sa record ng MMDA, aabot sa record-high na 450,000 hanggang 500,000 ang mga nabebentang sasakyan sa pagtatapos ng taon, mas marami kung ikukumpara sa 417,000 na nabenta noong taong 2016.

Inaasahan na rin ayon sa MMDA ang mas mabigat na daloy ng trapiko ngayong ‘Ber’ months lalo na sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue o EDSA dahil sa mga malalaking establisimiyento na madalas puntahan ng mga motorista katulad ng mga mall na nagsasagawa ng iba’t ibang pakulo makaakit lamang ng mga mamimili.

Kung ganito na kalala ang problema natin sa trapiko, tama bang tanggapin na lamang natin ang sitwasyon?

Hindi ba kikilos ang MMDA o ibang ahensya ng gobyerno para maibsan kahit papaano ang pagsisikip ng daloy ng trapiko na kinakaharap araw-araw ng mga motorista at mga commuters?

Hindi naman tayo sang-ayon na basta na lamang tanggapin ang ganito kalalang problema.

Para ano pa at may gobyerno tayo at namamahalang mga opisyal kung hindi kikilos para resolbahin ang problema?

Ang sa amin, dapat alam ng MMDA ang obligasyon nito sa bayan. Hindi namin kailangan ang inyong pag-aanalisa sa problema dahil iyan talaga ang ating sitwasyon, ang katotohanan na talagang sobrang sikip na ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Ang aming katanungan, anong solusyon ang inyong ilalatag sa problemang ito?

Kasagutan at solusyon sa palala na nang palalang problema sa trapiko ang aming hinihintay at hindi ang pagbibigay katwiran sa mabigat na daloy na trapiko ngayong panahon.