Tinanghal na pangkalahatang kampeon ang Pilipinas sa unang pagsasagawa sa kasaysayan ng kada dalawang taon na multi-sports na kompetisyon sa electronic sports o eSports sa tulong ng pinagsama-samang mga manlalaro sa iba’t ibang web game na Team Sibol.
Tatlong ginto, isang pilak at isang tanso ang iniuwi ng Team Sibol sa nakatayang anim na gintong medalya mula sa anim na pinaglabanang game title upang tanghaling overall champion sa debut ng eSports sa SEA Games.
Maikukunsidera na ang nagawa ng mga Pilipinong gamer ay isang record bagaman matagal na ring nagwawagi sa mga internasyonal na kompetisyon at hindi lamang sa ginanap na SEA Games.
Isang malaking katanungan ngayon ang future o kahihinatnan ng eSports at maging mga miyembro ng pambansang koponan na Team Sibol.
Una nang isinagawa bilang demonstration sports ang eSports noong 2018 Indonesia Asian Games at kabilang na rin ito sa mga demo sports sa pagsasagawa ng kada apat na taon na 2020 Tokyo Olympics sa Japan.
Hindi katulad sa ibang national sports association na nakakatanggap ng iba’t ibang suporta sa pamahalaan, hindi sigurado ang kahihinatnan ng kabuuang 27 miyembro ng Team Sibol na nagrepresenta sa bansa sa kakatapos lamang na SEA Games.
Maliban sa makukuhang insentibo mula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) at dagdag na insentibo sa Smart/PLDT na magbibigay ng P1 milyon kada gold medalist sa individual event at P2 milyon naman sa team event ng eSports, ano ang susunod para sa koponan?
Nagwagi ang Team Sibol sa Mobile Legend: Bang Bang (MLBB) at Dota 2 sa pagtutulungan nina Kenneth Villa, Jeniel Bata-anon, Carlito Ribo, Jason Torculas, Angelo Arcangel, Karl Nepomuceno at Allan Castromayor.
Ang koponan sa DoTA 2 ay binubuo nina James Erice Guerra, Van Jerico Manalaysay, John Anthony Vargas, Bryle Jacob Alvizo at Marvin Salvador Rushton.
Kampeon din si Caviar Napoleon Acampado sa Starcraft II event habang ang pilak ay iniuwi nina Alexandre Gabrielle Laverez sa Tekken 7 at ang tanso kay Andreij Hosea Albar sa Tekken 7.