Ano ang tamang gawin?

Dear Kuya Rom,

Totoo bang hindi lahat ng bagay na gusto ay makukuha mo? Bata pa lang ako, crush ko na siya, at nangarap na siya ang mapangasawa ko. Tuwang-tuwa ako nang maging boyfriend ko siya. Kami ay sampung taon nang happily married ngayon. May dalawa kaming anak, may sariling bahay, at isang tahimik na relasyon.

Masipag siya, kaya’t laging nasa labas siya ng bahay at naghahanapbuhay. Masaya siya sa kanyang ginagawa. Mahilig siyang bumili ng bagong sasakyan. Kung saan-saan siya nakararating para niya ma-enjoy ito. Kapag nagsawa na siya, ipinagbibili niya ito. Tapos, bibili na naman ng bago.

Parang laruan sa kanya ang sasakyan. Hindi ko siya pinipigilan, kasi natutuwa akong nakikitang masaya siya. May pera naman kami, at kayang bumili ng gusto niya.

Pero kung minsan, naiinis ako. Kasi mas maraming oras siya sa kanyang bagong laruan, at nalilimutan ako. Nami-miss ko ang mga dinner date namin. Nalilimutan niyang magsabing mahal niya ako na gusto kong marinig­ mula sa kanyang bibig.

Maalaga ako sa katawan, nanatiling sexy ang itsura ko kahit may mga anak na. Pero parang hindi niya ako nakikita­. Kapag abala siya, lalong hindi niya ako pinapansin. Ayaw ko namang magsalita. Kasi lalabas na nagrereklamo ako.

Mapaghanap ba ako? Paano ko magawang huwag­ sumama ang loob ko sa kanya? Ano ang tamang gawin? — Wilma

Dear Wilma,

Ang tamang gawin ng isang lalaking may asawa ay ito: “Husband, love your wife.” Ang pagmamahal sa asawa­ ay may iba’t ibang paraan para ito ay maramdaman ni misis.­

Una, ang maghanapbuhay para matustusan ang panga­ngailangan ng pamilya; ito ay kanyang nagagawa. Panga­lawa, magpundar ng sariling bahay para sa katahimikan at proteksiyon ng pamilya; nagagawa rin niya ito.

Pangatlo, magbigay ng oras para matugunan ang pisikal at emosyonal na pangangailangan ni misis; dito siya nagkukulang.

Ang tamang gawin ng isang babaeng may asawa ay ito: “Wife, respect your husband.” Ang paraan ng pagbibigay ng respeto kay mister ay ang mga sumusunod: Una, ialay mo ang iyong katawan para sa kanya; ginagawa­ mo ito. Pangalawa, kilalanin siya bilang lider ng pamilya; ­ginagawa mo rin ito. Pangatlo, unawain ang kanyang ­pagiging abala at patawarin siya sa kanyang mga pagkukulang; hindi mo ito nagagawa nang lubos.

Pag-aralan mo ang kanyang mga kilos, at malalaman mo ang mga sandaling hindi siya abala at hindi siya pagod. Ito ay magandang pagkakataon; ikaw ang mag-umpisa­ ng romansa. Pakainin mo siya ng kanyang paboritong pagkain, parang dinner date.

Pahalagahan ang malinis at mabangong katawan; sabay kayong maligo. Dalhin mo siya sa kuwarto ninyo, yakapin mo siya at halikan. Paligayahin mo siya, at ikaw ay maliligayahan.

Tandaan: Magagawa mo lamang ito kung ikaw ay mapagpatawad. Mahalagang maging mapagpatawad ka, sapagkat hindi perpekto si mister. Ang ganap na pagpapatawad ay mag-aalis ng sama ng loob at magbibigay ng laya upang magawa mo ang kabutihang magbibigay sa iyo ng kaligayahan. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom