Napakaraming kumakalat na balita tungkol sa umano’y nalalapit na pagpapalit ng mga awtoridad sa industriya ng karera sa bansa.

Dahil sa dami ay hindi na malaman kung ano ang totoo o hindi. Katulad ng mga ‘fake news’ bahala ka na lang alamin kung ano ang totoo.

Isang balita na sumulat na umano ang Malacañang sa tanggapan ng mga awtoridad tungkol sa nalalapit nang pagbabago, habang isang set naman ng balita ang nagsabing may ipapalit na raw sa awtoridad.

Kaya kanya-kanya nang pag-uusap ang ilang grupo sa karera dahil sa dami ng mga balitang kuma­kalat.

May nagsasabing isang beteranong horse owner at malapit sa Malacañang ang nakatakda na raw mag-takeover sa posisyon, habang isa naman ang nagsabing inaalok na raw siyang mamumuno sa tanggapan ng mga awtoridad. Isa rin ang nagsabing kasama raw siya sa bagong papasok na pinuno.

Napakaraming balita at hindi na malaman kung sino at ano ang totoo sa mga ito. Isang malaking tanong ay kung “makakatulong ba silang baguhin ang pagbulusok ng industriya ng karera sa bansa?”

Sumasadsad na ang benta at walang nakikitang “light at the end of the tunnel” ang karamihan sa major players ng industriya ng karera sa bansa. Sila ba’y magsisilbing “messiah” o “angels of death?”