Sinimulan nating magsaliksik tungkol sa federalismo, isang uri ng pamahalaan na isinusulong ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Marami kasing tanong ang ating mga taga-subaybay, lalo na nang maging panauhin natin sa ating radio-tv program sa DZRJ ang mga convenor ng constitutional reform to federalism na sina Atty. Raul Lambino at Atty. Larry Gadon.
Mula sa isang blog ng manunulat na si Arpee, ipinaliwanag na ang federalismo ay isang uri ng pamahalaan na ginagamit ng US, Australia, India at ilang mga bansa sa Europe. May pagkakaiba ang federalismong ginagamit nila kung saan binabago nila ang sistema para tumugma sa mga pangangailangan nila.
Ang federalismo sa Pilipinas ay matagal nang isinulong ni dating Senador Nene Pimentel, kung saan nakasaad ito sa isang dokumentong sinulat ni Jose Abueva.
Ang federalismo ay isang sistema ng pamamahala kung saan ang bawat estado (state) ay may sariling pamahalaan na may kalayaan mula sa central o ‘yung federal na pamahalaan.
Bawat estado ay may kakayanang gumawa ng batas na papairalin sa kanilang mga nasasakupan. Dito pumapasok ‘yung mga bagay na maaaring ligal sa isang estado, ngunit iligal sa iba. Pinaka halimbawa nito ay ang US.
Inilahad ni Abueva ang mga bentaha ng federalismo, at kabilang dito ang sumusunod: Una, makapagtatatag umano ito ng makatarungan at pangmatagalang balangkas para sa kapayapaan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng iba’t ibang pangkat etniko, relihiyon, at kultura, lalo sa panig ng mga Bangsamoro at lumad.
Ang ganitong mungkahi ay ipinalalagay na ang buong bansa ay watak-watak, nasa yugto ng digmaan at wala nang magagawa pa kundi pagbigyan ang paghahati-hati ng teritoryo.
Ang federalismo ay lalong makapagpapalakas para sa mga armadong pangkat na magsulong ng rebelyon, at tuluyang kumawala sa saklaw ng Pilipinas.
Ipinupunla ng federalismo ang pagkakawatak ng mga mamamayan, dahil ang sinasabing labing-isang nasyon ay nagpapahalaga sa rehiyonalismo imbes na sa kabansaan ng buong Pilipino.
Ikalawa, ang desentralisasyon at debolusyon ng kapangyarihan, ani Abueva, ay hindi makauusad sa lumang sistemang unitaryo kahit pa nakasaad iyon sa Saligang Batas ng 1987 at Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991.
Subalit hindi lahat ng nakasaad dito ay kokopyahin batay sa mungkahi na ipatutupad na porma ng ating pamahalaan. May mga babaguhin umano depende sa kalagayan at pangangailangan ng ating bansa.
May mahabang paliwanag pa sa ating research material na ito ang ating isusulat sa mga susunod na article natin.