May naduwag. Kumurap. Tumiklop. Umatras nang kumakahol at bahag ang buntot.
Sinibak ni Pangulong Duterte si Bise Presidente Leni Robredo bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) paglipas ng tumataginting na labing-siyam na araw sa puwesto.
Sa panahong ito, hinimok niya ang ICAD na itigil ang walang saysay na pagpaslang na kaakibat ng mga operasyong kontra-droga ng mga pulis; kinuwestyon ang magkakaibang datos ng administrasyon sa bilang ng mga gumagamit ng iligal na droga; nirekomenda na gumamit ng body cam ang mga pulis.
Nakipagpulong sa mga opisyal ng United Nations Office on Drugs and Crime and Community-Based Drug Rehabilitation Alliance kaugnay sa pagpapaunlad ng sistema ng rehabilitasyon sa bansa; nakipagpulong sa mga opisyal ng US Embassy kaugnay sa pakikipagtulungan sa US sa kampanya kontra droga; dineklara na mula sa China ang kalakhan ng iligal na droga sa bansa, matapos tanggapin ang mga ulat ng DILG at PNP; humingi ng listahan ng mga High Value Target (HVT) sa giyera kontra droga ng administrasyon, bagay na tinanggihan ng DILG, PNP, at PDEA.
Nanawagan ng karagdagang rehabilitation center matapos makipagpulong sa mga opisyal ng Department of Health; bumisita sa ilang lugar sa Navotas at Quezon City para alamin ang sitwasyon ng kampanya kontra droga sa antas komunidad; at bumisita sa mga nagtapos sa programang rehabilitasyon sa Dinalupihan.
“Ano ba ang kinatatakutan ninyo? Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ko? Ano ba ang kinatatakutan ninyong malaman ng taong-bayan?” ‘Yan ang tanong ni Robredo matapos siyang alisin sa puwesto.
Batay sa malakas na reaksyon ng mga galamay ng administrasyon at ni Duterte mismo, malinaw na kinatatakutan nila ang anumang pagsusuri at pagsubaybay sa listahan ng mga HVT na hawak ng Malacañang. Sino ang mga malaking drug lord at bakit walang nahuhuling malaking isda si Duterte?
Bukod dito, malinaw na kinatatakutan din ni Duterte ang posibilidad na mapanagot para sa pagpaslang ng libu-libong maralita sa ngalan ng kanyang giyera. Binatikos nila si Robredo sa maling pag-aakala na inanyayahan ni Robredo ang UN para mag-imbestiga sa mga abuso ng giyera kontra droga.
Malinaw na sa pag-upo pa lamang ni Robredo sa ICAD, pinaghahandaan na ni Duterte ang pagsibak sa kanya. Naisahan siya ni Robredo nang tanggapin nito ang alok na puwesto ni Duterte, na siya pang nagbigay ng plataporma sa kanyang Bise para ilantad ang kahungkagan at pang-aabuso ng kanyang giyera kontra droga. Napaalala rin kay Duterte na naghihintay sa kanya ang pagpapanagot sa sandaling mawala siya sa puwesto.
“Handa ba kayo para sa akin?” ang tanong ni Robredo nang tanggapin niya ang puwesto sa ICAD. Malinaw na hindi.