Año, Bautista lusot sa CA

Nakalusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang dalawa pang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inaprubahan ng CA ang appointment nina Department of the Interior and Local Go­vernment (DILG) Secretary Eduardo Año at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista.

Sa kanyang sponsorship speech para sa appointment ni Año, inilarawan ni Senador Sonny Angara ang kalihim bilang “paragon of competence and bra­very” kaya’t karapat-dapat aniya itong magsilbi bilang kalihim ng DILG.

Bukod sa dalawan­g opisyal, inaprubahan na rin ng CA ang ad interim appointment ni Atty. Aileen Lourdes Abella Lizada bilang commissioner ng Civil Service Commission (CSC) at limang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Kinilala ang limang opisyal ng DFA na sina Noel Eugene Eusebio Mejico Servigon bilang ambassador sa Association of Southeast Asian Nations sa Jakarta, Indonesia; Ma. Teresita Cruz Daza bilang ambassador sa Chile; Christopher Baltazar Montero bilang ambassador sa Brunei Darussalam; Ramon Bagatsing, Jr. bilang ambassador sa India; at Noe Albano Wong bilang ambassador sa Korea.