Malalaman natin ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Pinoy na mahuhulihan ng iligal na droga sa ibang bansa sa kinakaharap ngayong kaso ng isang Pinay na inaresto kahapon sa Hong Kong dahil sa pagdadala ng 720 gramong cocaine na sinasabing may market value na HK$750,000.

Kagaya ng mga dating kuwento ng mga nahuhuli at inaasunto ng kasong drug trafficking, ipinadala lamang ang bag ng hindi kakilalang tao katumbas ng malaking halaga pero pagdating sa destinasyon ay nabubuking na iligal na droga ang laman ng bag.

Napakarami na pong ganitong kuwento kaya­ nakapagtatakang may mga kababayan pa tayong­ pumapatol sa ganitong modus ng sindikato ng iligal na droga.
Pero ang isang katanungan sa pagkakataong ito, kasama ba ang ganitong klaseng mga kaso sa tutulungan ng gobyerno?

Kasama ba ang Pinay sa HK na nahulihan ng iligal na droga sa gagas­tusan sa P500 milyon na inilaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para saklolohan ang mga kababayan na­ting distressed sa ilang bansa kabilang ang Middle East?

Alam nating maigting ang kampanya ng gobyerno sa iligal na droga, kaya sa kasong ito ng Pinay na nahulihan ng cocaine sa HK ay malalaman ang posisyon ng gobyernong Duterte.

Pero sa kabila ng laban ng gobyerno kontra iligal na droga ay ginawa naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng Philippine Consulate na nag-alok na ng legal assistance sa Pinay.

Ang posisyon ni PDu30 sa kasong ito ay magiging matibay na simula para malaman natin kung sinu-sino at anu-anong klaseng kaso ang tutulungan ng gobyerno.

Mahirap talaga kasing makiusap sa isang bansa na isalba ang isang sangkot sa kaso halimbawa ng iligal na droga kung tayo mismo ay matindi ang pakikipaglaban sa illegal drugs.

Kaya ang ating pana­wagan huwag po ta­yong masilaw sa kinang ng salapi kaya huwag na huwag po tayong magpapagamit sa mga sindikato­ o kahit sa mga kakilala­ dahil serious offense sa ibang bansa ang kaso sa iligal na droga.

4 Responses

  1. Ayos na yung bigyan ng Legal assistance, at yung mga nasasangkot naman dito, dont expect na yung govt will give exra effort to rescue them, alam nuila yung pinasok nila, kaya magdusa ka!

  2. hindi dapat tinutulungan ng gobyerno ang ganitong mga kaso. pare-parehong rason na pakidala lang ang bagahe na hindi alam na may droga. dapat madala ang mga pinoy na pumapasok sa ganitong modus para kumita ng pera.

  3. Sa palagay mo ba yung nagdala sa ibang bansa di nya alam yung laman ng dala nya obviously alam nya yun ang kaso kung sa airport pa lang dapat natin di na dapat yan nakakalusot kaso me kasabwat din yan na mga security personnel at immigration kasi kung dito pa lang huli na paano pang mahahatulan ng kamatayan sa abroad? simpleng common sense lang yan iha.

  4. sa palagay ko hindi tutulungan ng gobyerno yang ganyan na kaso,walang pinagkaiba yan sa runner ng droga dito sa pinas. pinakidala inutusan dalhin gasgas na dahilan na yan ano mangyayari sa drug war dito sa pinas kung ililigtas natin ung mga sangkot sa droga sa ibang bansa? okay lang ba na dito sa pinas ang pairalin ay kamay na bakal laban sa drugs at ung mga nahulihan ng droga sa ibang bansa ay iligtas ng goyerno? wala sa logic….