Ano pa ang gustong patunayan ni Pacquiao?

for-the-record-boyet-box boyet jadulco

Sa Sabado (Linggo ng umaga sa Maynila), muling­ sasabak si boxing icon at Sen. Manny Pacquiao sa bangasan ng mukha at patibayan ng bodega matapos putulin ang retirement sa professional boxing. Makakalaban niya ang Amerikanong si Jessie Vargas, may hawak ng WBO welterweight crown, sa Thomas and Mack Center ng Las Vegas, Nevada.

Maraming senador ang nagbigay ng mensahe na sana’y manalo sa laban si Pacquiao pero itong si Sen. JV Ejercito, sana raw ay ito na ang huling laban ni Pacquiao dahil sa wala na itong dapat patunayan sa boxing world.

Kung sisipatin mo nga naman, si Pacquiao lang ang natatanging boksingero na naging kampeon sa walong magkakaibang dibisyon. Nagapi niya ang mga future hall of famer na si Oscar ‘Golden Boy’ dela Hoya, ­Eric Morales at iba pa. Ang tanging lamat sa kanyang ­boxing career ay nang matalo kay boxing pound for pound king Floyd Mayweather Jr. na nagretiro na.

Nagpaliwanag na si Pacquiao kung ano ang kanyang hangarin at pinutol ang maikling retirement para muling lumaban. Gusto raw kasi niyang makuha ang titulo bilang kauna-unahang senador na nagwagi ng titulo sa boksing.

Kung manalo siya kay Vargas at maging kauna-unahang incumbent senator at WBO welterweight champion, titigil na ba rito si Pacquiao? Paano kung umakyat ng dibisyon sa pulitika si Pacquiao? Halimbawa ay kauna-unahang vice presidential candidate na world champion o kaya ay kauna-unahang presidential candidate na kampeon sa 147 pounds division?

Si Vitali Klitschko, dating 3-time world heavyweight champion, ay minsang nagtangkang tumakbo sa presidential elections ng Ukraine noong 2015 pero­ umatras din. Hindi na siya ang may hawak ng ­titulo sa alinmang boxing organization nang tangkaing­ ­tumakbo sa pampanguluhang halalan.

Kung tatakbo sa 2022 presidential elections si Pacquiao, may matira pa kaya sa kanyang magic? Alalaha­nin natin na hindi naman siya ang naging number one sa nakaraang senatorial elections kundi si Sen. Franklin­ Drilon at number 2 naman si Sen. Joel Villanueva,­ dating kaalyado ni Noynoy Aquino na ngayon­ ay kumambyo na kay Pangulong Duterte.

Palaos na raw kasi si Pacquiao. Kung dati ay sa MGM Grand Garden Arena ginaganap ang kanyang laban, ngayon ay nasa Thomas and Mack Center na lang, isang arena sa loob ng University of Nevada. Ang pinakamababang halaga ng tiket, US$50 lang at hindi pa raw maubus-ubos.

Pero mismong si Pacquiao, buo ang paniniwala na marami pa ring bilib sa kanya. “Hindi naman (ako laos), ganu’n pa rin ang hatak natin (sa publiko),” ­wika ni Pacquiao.

***

Nasa Las Vegas ngayon ang ilang kongresista ­para maging cheering squad ni Pacquiao sa pangunguna ni House Speaker Pantaleon Alvarez. Hindi nila ito itinatago bagkus ay proud na proud pang mag-groupie­ kasama ang Pambansang Kamao.

Eh nasaan naman kaya ang nag-iisang senador na pumunta rin ng Las Vegas para manood ng laban ni Pacquiao. Mukhang hindi pa siya nagpaparamdam sa Twitter at Instagram, nahihiya ba siya? Ito ‘yung senador na sinasabi ni Sen. Richard Gordon na solong lilipad sa US para manood ng laban ni Pacquiao.

Siguro naman, galing sa sariling bulsa ang gastos ng senador sa biyahe nito sa Las Vegas at hindi ikinarga­ sa pondo ng Senado. Nagtatanong lang po.