Umabot sa 183 barangay official ang iniimbestigahan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa diumano’y korapsiyon sa ginawang pamamahagi ng cash aid sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng pamahalaan.

“Sa dami ng ating reklamong natanggap, 183 na ang iniimbestigahan ng ating kapulisan dahil may posibleng probable cause dito,” ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año.

“Hindi titigil ang ating kapulisan sa pagdakip sa mga mandarambong na mga barangay official na siyang talagang virus ng lipunan. These are the kinds of arrests na kating-kati gawin ng ating PNP dahil talagang gigil din sila sa mga corrupt local officials,” ani Año,

Pansamantalang hindi naman na muna ibinunyag ni Año ang pagkakakilanlan ng mga naturang barangay official dahil isinasagawa pa lamang ang imbestigasyon laban sa kanila.

“Madaming reklamo but we are now sorting them out to pin-point the cases that have basis, so for now, mayroon tayong 183 cases na iniimbestigahan na. Binabalaan ko kayo, kung nag-iisip kayo na mangulimbat ng mga tulong na para sa mga kabarangay ninyo, we will come after you,” babala ng kalihim.

Nabatid na nitong unang linggo pa lamang ng Mayo ay sinimulan na ng DILG ang pag-aresto sa mga tiwaling barangay official.

Una aniyang nasampolan ay ang barangay councilor na si Danny Flores mula sa Hagonoy, Bulacan, na binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang public address.

Si Brgy. Chairman Maria Luz Leal Ferrer ng Brgy. 8 sa Isabela, Negros Occidental ay inaresto at kinasuhan naman aniya ng PNP dahil din sa anomalya sa pamamahagi ng cash aid ng SAP, kasama ang municipal social worker na si Mae Fajardo, na kasabwat nito sa umano’y pamemeke ng opisyal na listahan ng SAP recipient.

Una nang inatasan ng DILG ang PNP at hiniling sa National Bureau of Investigation (NBI) na bigyang prayoridad ang pag-iimbestiga sa mga ulat ng graft and corruption sa SAP distribution. (Dolly B. Cabreza)