Kung para sa iba ay mistulang ‘in love’ ka kapag nakapula ka, sa mga Chinese ay iba ang kanilang paniniwala.
Ang pula para sa Chinese ay nag-aanyaya ng suwerte. Bakit nga ba malapit sa puso nila ang red?
May mga ulat, batay na rin sa lumabas na matandang alamat ng Tsina na noong unang panahon ay may gumagalang mabangis na hayop sa isang malayong pamayanan ng bansa. Tuwing sasapit ang Lunar New Year ay lumalabas ito mula sa dagat at nananalanta.
Inaatake nito ang mga residente sa lugar kaya marami ang nasasaktan at nasasawi. Winawasak din nito ang tirahan at ikinabubuhay ng mga mamamayan kaya marami ang naapektuhan at nawawalan ng pangkabuhayan.
Sa halip na magpadaig sa mabangis na hayop ay nagkaisa at naghanda ang mga Chinese ng pandepensa sa kanilang ‘katunggali.’
Nilabanan nila ang mabangis na hayop at salot ng kanilang pamayanan kaya nang sumapit muli ang Lunar New Year ay gumamit sila ng malalakas na paputok. Naghanda rin sila ng pulang mga parol na kanilang isinabit sa mga bintana at pintuan para matakot ang mabangis na hayop.
‘Di naman nabigo ang mga Tsino dahil matagumpay nilang naitaboy ang kanilang kalaban at mula noon, kailanman ay hindi na ito nanalanta pa.
Sa paglipas ng panahon ay naipamana na sa kanilang salinlahi na ang pula ay pampasuwerte at proteksyon na rin nila.