Salamat at ang mga ‘peacenik’ sa gabinete ni PDU30 ang nangibabaw at ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front/ New People’s Army (NDF/NPA) ay matutuloy na muli.
Walang ibang makikinabang sa pagkakaroon ng usapang pangkapayapaan kundi ang mga mamamayan mismo. Rebelde man o sundalo, makakahinga ng maluwag dahil magkakaroon ng tigil-putukan sa pagitan ng magkabilang panig.
Sana magtuloy-tuloy na ang proseso at ang mga nakamit na kapwa kinikilala ng magkabilang panig sa naunang pag-uusap ay maisakatuparan sa lalong madaling panahon.
Ayon nga sa Presidential Peace Adviser Jesus Dureza, siya ay nagagalak, bukas na ulit ang pintuan para magusap ang magkabilang panig.
****
Hindi ba pwede magkaroon na lamang ng isang ahensiya na mangangasiwa mula sa produksiyon, distribusyon at importasyon ng bigas para maiwasan ang sisihan kung mayroong problema?
Ang mga tinatawag na ‘stakeholder’ sa industriya ng bigas ay nagtuturuan kapag may krisis gayong iisa lamang ang kanilang misyon, siguraduhin na may isasaing na mura at dekalidad na bigas ang pamilya ni Juan dela Cruz.
Sa ngayon meron pang bigas na mabibili mahal nga lamang ang halaga.
Ang stock ng kontrobersiyal na NFA rice ay pauubos na kaya alumpihit ngayon ang mga nasa indistriya kung paano pupunuan ang kailangang NFA rice.
Dito ngayon lumulutang ang sisihan. Sino ba talaga, kuya? Nandiyan ang Department of Agriculture, National Food Authority at NFA Council, alin sa mga ahensiyang ang may ‘final say?’
Sa dami ng magagaling sa mga ahensiyang ito na puro mga titulado, huwag sanang malimutan na pagkain ng mga Pilipino ang una sa lahat.
Kaya sila inilagay sa pwesto ay para siguraduhin na may ilulutong bigas ang mga Pinoy lalo na ang mga mahihirap.
Kung bangayan at puro talak lamang ang hanap nila, magbitiw na lang sa pwesto at magtungo sa Kongreso.
****
May itinatago ba ang Philippine National Police at kailangan pang atasan ng Korte Suprema na ibigay sa Mataas na Hukuman ang listahan ng mga napaslang resulta ng ipinatupad na Oplan- Tokhang?
Hindi ito ang unang pagkakataon na inatasan ang PNP na isumite ang bilang ng mga napatay dahil sa ‘war on drugs’ ng adminstrasyong Duterte. Sa mga nagdaang pagdinig ng Senado makailang ulit rin na humingi ang mga Senador ng listahan, tumango lamang ang ‘top brass’ ng PNP.
May makokompromiso bang ‘state secret’
o ‘personal secret’ kaya hindi maisapubliko?
Nagtatanong lang po.