Taon ni Sean Anthony ang 2019, tuloy ang dating ng pagkilala sa kanyang matikas na inilalaro sa NorthPort.

Sa Leo Awards sa opening night ng PBA 45th Season noong March 8, nakuha ng 34-anyos na Fil-Canadian ang first-ever Mythical First Team selection at napabilang sa All-Defensive Team.

Ang 6-foot-4 forward din ang Defensive Player of the Year ng PBA Press Corps.

Unang iniskedyul ang 26th awards night noong March 16 sa Novotel Manila sa Araneta City, pero na-postpone dahil sa coronavirus disease 2019. Kanselado rin ang Philippine Cup, wala pang eksaktong date kung kailan itutuloy ang PBAPC Awards.

Ngayon lang din tatanggapin ni Anthony ang pagkilala na huling binigay kay Poy Erram noong nakaraang taon. Ilan pa sa nakakuha na nito sina Chris Ross, June Mar Fajardo, Gabe Norwood, Marc Pingris, Chris Jackson, at Freddie Abuda.

Ang iba pang tatanggap ng awards ay sina Terrence Romeo (Quality Mintues), CJ Perez (Scoring Champion), Fajardo (Order of Merit), at ang Governors Cup quarterfinals match ng NorthPort at NLEX (Game of the Season).

Sa All-Rookie Team sina Perez, Robert Bolick, Javee Mocon, Bobby Ray Parks Jr. at Abu Tratter. All-Interview team sina coach Yeng Guiao, Kiefer Ravena, Christian Standhardinger, Beau Belga, Vic Manuel at Arwind Santos. Kikilalanin din sina D-League Finals MVP Thirdy Ravena (Aspirants Cup) at Hesed Gabo (Foundation Cup).

Nakalinya pa ang President’s Award, Danny Floro Executive of the Year, at ang Baby Dalupan Coach of the Year. (Vladi Eduarte)