Anti-crime campaign sa Pasay: 1,450 suspek arestado

Dahil sa direktiba ng pamahalaang lokal na palakasin ang kampanya laban sa iba’t ibang klase ng kriminalidad sa kanilang lungsod, ipinagmalaki kahapon ni Pasay City Mayor Imelda ‘Emi’ Calixto-Rubiano na mahigit 1,000 katao ang naaresto sa loob lamang ng apat na araw.

Base sa isinumiteng report ni Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, kay Mayor Calixto-Rubiano, nasa 1,450 na ang kanilang nahuling suspek na may iba’t ibang kaso simula noong Enero 29 hanggang Pebrero 1 ngayong taon.

Karamihan sa mga nahuli ay nahaharap sa kasong may kinalaman sa iligal na droga habang lumabag naman sa mga local city ordinance ang ibang inaresto.
Ayon kay Col. Yang, nagresulta rin ito sa pagkakakumpiska ng nasa P1 mil­yong halaga ng shabu at pinatuyong dahon ng marijuana.

Iba’t ibang klase ng armas katulad ng patalim, granada at improvise explosive ang kabilang sa mga iniulat ni Yang kay Mayor Calixto-Rubiano na kanilang nakumpiska.

Layon ng kautusan ng alkalde sa Pasay City Police na paigtingin ang kampan­ya laban sa krimen upang maging ligtas ang mga lansangan sa lungsod para sa mga mamamayan nito.

Pinasalamatan naman ng alkalde ang pulisya sa masigasig na pagpapatupad nito ng batas para masiguro ang katahimikan at kaayusan sa Pasay City. (Armida Rico)