Tiwala ang mga anti-death penalty congressmen na kanilang maibabasura ang panukalang ibalik ang death penalty sa bansa kahit pa pairalin ng liderato ng Kamara ang party-vote.
“Still, we will win the battle, though on a very slim margin,” ani Albay Rep. Edcel Lagman dahil hindi isinasantabi ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na gamitin ang tinatawag na party-vote.
“Anything is possible… na maging party vote ‘yan,” ani Alvarez kamakalawa nang matanong kung may posibilidad na pairalin ang party-vote upang masiguro na maipasa ang House Bill 4727 o pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
Subalit, ayon kay Lagman, malaki ang pag-asa na maipanalo nila ang laban kontra sa parusang kamatayan dahil marami sa mga miyembro ng supermajority ang kontra sa nasabing panukala.
Patunay, aniya, ang 50 congressmen para mag-intepellate sa nasabing panukala na pawang mula sa supermajority na kontrang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Marami ang ayaw lang magsalita subalit tutol ang mga ito na magkaroon ng capital punishment sa bansa dahil hindi naniniwala ang mga ito na magiging daan ang nasabing parusa para mabawasan kundi man mawala ang karumaldumal na krimen.
“Pero mas malakas ang laban kung conscience vote ang iiral,” ayon pa kay Lagman kaya umapela ito sa liderato ng Kamara na hayaang bumoto ang kanilang mga kasamahan sa supermajority base sa kanilang konsensya.
Sa ilalim ng party-vote, sa ayaw at sa gusto ng mga miyembro ng partido ay kailangang sumunod ang mga ito sa kagustuhan ng kanilang partido habang sa conscience votes ay iiral umano ang demokrasya dahil magpapasya ang mga mambabatas base sa dikta ng kanilang konsensya.
“Kaya sana eh hayaan ng supermajority ang mga congressmen na magpasya base sa kanilang konsensya,” ayon naman kay Ifugao Rep. Teddy Brawner Baguilat dahil kung mangayari umano ito ay tapos na, aniya, ang laban.
Ang pagbabalik ng parusang kamatayan ay isa sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng kampanya upang maparusahan ng kamatayan ang mga taong sangkot sa ilegal na droga.
Isang katanungan lang: bakit parang takot ang mga anti-death penalty congressmen na ‘to na ma reinstate ang death penalty?
bakit hindi ang mga tao ang pagpasyahin kung payag sila sa death penalty thru a plebiscite?