Anti-drug ops lumalawak na

Lumalawak na ang anti-drug operations ng mga awtoridad dahil saklaw na rin ngayon ang mga high-end bars at iba pang mga establisimiyento.

Patunay rito ang sunud-sunod na pagkakatimbog sa mga sinasabing suppliers ng mamahaling uri ng iligal na droga sa Bonifacio Global City sa Taguig gayundin sa bahagi ng Makati City.

Kamakalawa lamang ay may naarestong pusher sa parking lot sa BGC dahil sa pagbebenta ng ecstasy. Naaresto ang suspek sa ikinasang entrapment operation sa isang parking lot sa Bonifacio Global City.

Karaniwang ibinebenta ng mga pusher sa mga high-end bars at clubs ay mga ecstasy tablets, marijuana, at hash oil.

Sa dami ng high-end clubs at mga bars sa bansa lalo na sa Metro Manila ay nakakalungkot na mabibilang mo pa lamang sa inyong mga daliri ang natitimbog na mga tulak gayongbukas naman sa kaalaman ng mga awtoridad ang malawakang operasyon ng sindikato ng iligal na droga sa ganitong klaseng mga lugar.

Kaya sana ay magdoble-kayod ang Philippine National Police (PNP) dahil tila naamoy ng sindikato ang kanilang mga operasyon kaya matumal ang huli sa mga high-end bars at clubs na malayung-malayo sa nangyayaring operasyon sa mga gumagamit ng iligal na droga gaya ng shabu.

Ang sa amin, paigtingin din sana ng PNP at mga katuwang na law enforcement unit ang operasyon sa mga kilalang personalidad sa lipunan na gumagamit at nalilinya sa ipinagbabawal na gamot.

Hindi kasi magandang pakinggan na tila ang mahihirap lamang na mga users at tulak ng ipinagbabawal na droga ang kayang-kayang itimbuwang habang ang mga mayayamang adik at tulak ay maraming kondisyones pang inilalatag bago sumuko.