Bukas sa lahat, ma­ging anti o pro-Duterte na bloggers ang accreditation para sa social media practitioners na magko-cover sa mga aktibidad ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Ito ang binigyang-diin ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar sa panayam kahapon.

“Kapag sila po ay nag-apply, whether pro-Digong, whether dilaw ka or whether wala kang kinakampihan, a political or talagang as in observer ka lang ng politika, you are all welcome… at tingnan natin kung ‘yung mga past blogs at write-ups mo are really consistent and until now you’re also consistent. So wala po tayong pinipiling political color, political leaning,” giit pa ni Andanar.

Nilinaw din ni Anda­nar na hindi ikaklasipika bilang mga journalist ang mga social media practitioners na mabibigyan ng akreditasyon sa mga events ni PDu30.

“Bloggers or the social media practitioners are given accreditation not as journalist, not as members of mainstream media and not as Malacañang Press Corps (MPC),” ayon pa kay Andanar.

Nauna nang pinirmahan ni Andanar ang Department Order No. 15 o ang interim social media practitioner accreditation na nagpapahintulot sa bawat indibidwal na 18-anyos pataas na may social media page at may tinatayang 5,000 followers na magpartisipa o mag-cover sa mga aktibidad ni Pangulong Duterte.

Ang bawat blogger ayon pa kay Andanar ay kailangang mag-apply ng per event na accreditation na hindi tulad sa MPC na minsanan lamang na aplikasyon.