Anti-dynasty bill, makakalusot ba?

Broadcaster's view-ely-saludar

Mayorya ng mga senador ang sumusuporta sa panukalang batas sa anti-dynasty na siyang bubuwag at magbabawal sa kasalukuyang mga politiko mula sa iisang pamilya.

Sa Senate Bill No. 1765 ay sinuportahan ito ng 13 senador na inaasahang makakalusot ito sa Mataas na Kapulungan.

Pinagsama-sama na ang nasabing mga panukalang batas laban sa dynasty sa mga angkan ng mga politiko sa bansa.

Ang nakakagulat ay may mga senador na sumang-ayon na maipasa ang anti-dynasty bill na mula sa mga angkan ng dynastiya.

Kabilang dito si Senator JV Ejercito na ang mga magulang ay pawang nakaposisyon at ito ay sina Manila Mayor Joseph Estrada at San Juan Mayor Guia Gomez.

Si Senator Nancy Binay ay umayon din sa anti-dynasty bill kahit alam naman ng lahat na angkan ito ng dynasty sa Makati City at si Se­nator Ralph Recto na ang asawa ay ­kongresista sa Batangas.

Magandang sen­yales ang nasabing hakbang sa Senado upang mati­gil na ang political ­dynasty sa bansa.

Pero ang problema nito ay kung lulusot ba ito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil mas maraming kongresista ang apek­tado sakaling mapagtibay ang anti-dynasty bill.

Karamihan sa mga kongresista ay naghahari ang pamilya sa kani-kanilang probins­ya.

Kaya naman ang isang malaking tanong ngayon ay kung makakalusot ba ang anti-dynasty bill sa bansa.

Maging si Pangulong Duterte mismo ay pabor sa political dynasty pero kung lulusot ang panukala sa dalawang kapulungan ay maaa­ring mabago ang posis­yon nito.

Isang malaking pagkakataon ito na maging batas ang anti-dynasty upang iparamdam sa publiko na ang mga politiko ay hindi pansariling interes ang inu­una.