Pinitik ni Albay Rep. Joey Salceda ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa walang kaabog-abog na desisyong bawasan ang bilang ng mga lisens­yang inilaan sa mga ‘bi­ker-partners” ng Angkas.

Dahil motorsiklo ang gamit sa paghatid ng mga pasahero, gaya ng taksi, pumatok sa riding public ang Angkas sa mas mabilis na biyaheng iwas-trapik.
Pero sa nakakabig­lang pasya ng LTFRB mula sa 27,000 sa ‘pilot run’ ng Angkas mula Disyembre 23, 2019 hanggang Marso 23, 2020, ay ibinaba na lamang ito sa 10,000.

Mangangahulugan ng pagkawala ng trabaho ng mga 17,000 drayber ng motorsiklo sa Metro Manila, Tinawag ni Salceda itong ‘anti-consumer’ at ‘anti-competitive behaviour’.

“Mayrong hindi tama sa ‘policy beha­vior’ ng LTFRB kaugnay sa Angkas. Bakit hindi na lang gawing bukas para sa lahat? At bakit biglaan ang pagbawas sa bilang ng mga lisensyang laan para sa kanila. Parang may pinapaboran kayo at sinasakripisyo ang interes at kapakanan ng mga mananakay,” giit ng mambabatas.