Anti-malarial drug vs COVID inawat ng WHO

Ititigil na ng Department of Health (DOH) ang clinical trial ng anti-malarial drug na hydroxychloroquine sa mga pasyente na may coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod na rin ng desisyon ng World Health Organization (WHO) na itigil muna ang pagbibigay ng naturang gamot hanggat patuloy ang ginagawang review sa kaligtasan nito.

Ayon kay Vergeire, nakatanggap rin ng liham ang kaniyang tanggapan hinggil sa pagpapatigil sa pagbibigay ng nasabing gamot sa mga COVID-19 patient.

“We follow WHO guidelines on this because this is a WHO solidarity trial. In fact this morning nagpalabas na ng sulat ang ating proponent at pinadala na sa aking opisina at sinasabi na we are pulling out and we are stopping giving this hydroxychloroquine to our patients,” ayon kay Vergeire.

Nabatid na ang hydroxychloroquine ay kasama sa mga gamot na pinag-aaralan sa solidarity trial kung epektibo laban sa COVID-19.

Samantala, nilinaw naman ni Vergeire na hindi pa sila maaaring maglabas ng anumang resulta o kung nagkaroon ng epekto ang nasabing gamot sa ilang COVID-19 patient na naturukan nito dahil sa nagpapatuloy pa ang kanilang ginagawang clinical trial.(Juliet de Loza-Cudia)