Anti-political dynasty dapat simulan sa barangay

Matutuloy na ang Kabataang Barangay elections sa Oktubre. Ito ay sa ilalim ng batas ng Sangguniang Kabataan Empowerment Act na inakda ni Senador JV Ejercito.

Isang interesting topic kung bakit ipinagbabawal ng batas na ito na kumandidato ang mga may kamag-anak, up to the 2nd degree and pati by affinity, ang mga may kamag-anak na elected officials mula sa national level hanggang ibaba, sa barangay level.

Ipinagbabawal sa SK Reform Act na maging opis­yal ng SK ang anak, kapatid, bayaw o hipag ng isang go­vernment elected official.

Nakakahanga ito dahil dapat lamang na sa Barangay level pa lang at sa kabataan pa lang mapraktis na ang Anti-Dynasty Law na isinusulong din ni Senador JV.

Sa kabila nang lahat na marami ring kamag anak sa pulitika ang senador at marami pa siyang kamag-anak na darating na puwede pang makinabang sa pangalan nila. Subalit ang kanyang personal na paniniwala ay hindi dapat makopong ng mga magkamag-anak ang mga puwesto sa gobyerno.

Si Ejercito rin ang sumulat at sumulong ng Magna Carta of Students Rights and Welfare, na kung saan ang mga karapatan ng sinumang kabataan na gustong mag-aral ay prinoprotektahan at isinasatupad. Nakalahad din dito lahat ng karapatan ng mga estudyante.

Si Ejercito rin ang lumagda ng Teachers’ Housing Program Act at ng Scholarship program for Poor but Deser­ving Students Act.

Sinasabi ni Ejercito na siya ay naniniwala sa kakaya­nan ng kabataan ng ating bayan. Dala na rin sa karanasan niyang pagpupunyagi upang patunayan sa lahat na kaya niya mag-succeed at gumawa ng sarili niyang pangalan sa paglingkod sa bayan.

Magugunitang ipinahayag dati ni Sen. Aquilino Pimentel Jr. na nagiging dahilan lamang umano ng korupsyon sa murang isipan ng mga kabataang lider ang maagang pagsabak sa politika dahil sa nagagamit lamang ang mga ito ng mas matatandang politiko.

Marami na umano ang nakakapuna na hindi naman nakikilahok sa mga pag-uusap na may kinalaman sa local governments ang mga kabataan.

“Many of them are studying and they are forced to leave their barangays to attend to their schooling in the poblacion, and some other distant places. Thus, they neg­lect their official functions,” sabi ni Pimentel.

Marami na rin umano ang nababahala sa hindi magandang kalakaran kung saan nagiging kuwestiyonable ang paghawak ng public funds para sa mga SK.

Umaasa tayo na mabago ng reporma sa batas na ito ang nakalipas na hindi magandang kalakaran at mapatino na ang inaasahang magandang layunin kung bakit itinatag ang SK?

Baka nakakaligtaan ng ating mga kabataan, nakapagparehistro na ba kayo? May isang linggo pa kayong natitira para makapagparehistro sa pinakamalapit na Commission on Elections (Comelec) office sa inyong lugar dahil hanggang Hulyo 30, 2016 na lamang ito. Makilahok sa darating na halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan sa Oktubre 31.

***

Kailan kaya bibigyang pansin ni Barangay Captain Dong Pascual ang footbridge na nasa harap mismo ng San Bartolome Elementary School sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City? Naku Kapitan Dong, baka naman pwede po ninyong ipalinis ang overpass na ito, napaka-dugyut na po. Ginawang tambakan ng basura ang footbridge na ito at sa kabila naman ay tambakan ng junkshop at motorshop. Ang cyclone wire ng overpass ay sira-sira na rin.

Natatakot na tuloy umakyat sa footbridge na ito ang mga estudyante ng nabanggit na eskwelahan kaya napipi­litan na lamang sila makipagpatintero sa mga humahabigis na sasakyan kahit napakadelikado sa kanilang pagtawid.

Napicturan at nai-post sa Facebook (FB) ang overpass na ito. Sana ay hindi ito ang kabuuang hitsura ng Barangay San Bartolome?

Tinatawagan din po natin ang pansin ng tanggapan ni Novaliches District Q.C. Mini-City Hall Administrator Tady Palma. Sir, sana po ay ipa-inspection ninyo ang footbridge na ito.