Anti-terrorism bill lulusot sa Senado – Sotto

Madali na umanong maaprubahan sa Senado ang anti-terrorism bill bagama’t nakabinbin pa ito sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“It’s as good as passed. It will just need my signature if it comes back to us after ratification then I will transmit to the President,” pahayag ni Senate President Vicente `Tito’ Sotto III sa kanyang text message sa mga reporter.

Noong nagdaang linggo, pinagtibay ng dalawang komite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Senate Bill No. 1083 o Anti-Terrorism Act of 2019 na naglalayong amyendahan ang Human Security Act of 2007 para lumakas pa ang batas kontra terorismo ng bansa.

Nangangamba ang ilang grupo sa posibilidad na baka maabuso ang nasabing batas laban sa karapatang pantao.

Subalit sinabi ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson, may-akda at sponsor ng panukala, na kinonsidera na nila ang naturang mga concern habang binubuo ito.

“The concerns being raised by the progressive and leftist groups as well as human rights advocates have been adequately addressed during the Committee on National Defense and Security public hearings as well as the debates and interpellations in plenary,” sabi ni Lacon sa hiwalay na text message.

Tiniyak ni Lacson na mayroong inilagay na mga safeguard sa panukala.

“The critics should read first the bill itself to see for themselves what I am saying,” dagdag pa nito.

Dahil sinertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent bill, magiging batas na rin ito sa oras na isumite ng Kamara sa Senado at kalaunan ay dadalhin naman sa Malacañang para lagdaan ng Pangulo.

“That gives the bill a chance to [be] enacted into law within 30 days unless vetoed by the President which is very unlikely considering the certification that he issued,” sabi ni Lacson. (Dindo Matining)