Anyare sa LTO, LTFRB

Bigyan ng proteksyon ang media

Hindi naging maganda ang nagdaang linggo para sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchi­sing and Regulatory Board (LTFRB) matapos silang kalampagin nina Senador Grace Poe at Koko Pimentel.

Si Sen. Poe, chair ng Senate committee on public services, nagsagawa ng public hearing sa Cagayan de Oro City kung saan tinalakay ang mataas na multa sa mga public utility vehicle na ini-impound. Umaabot kasi sa P1 milyon ang multa sa bus at P200,000 naman sa taxi.

Katwiran ni Poe, ibinatay lang ito sa Joint Administrative Order (JAO) 2014-01 ng dating Department of Transportation and Communication (DOTC), LTO at LTFRB. Sinapawan nito ang Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.

Ibig sabihin nito, iligal ang ginagawang pagpapairal ng LTFRB sa mataas na multa dahil hindi maaaring sapawan ng isang administrative order ang umiiral na batas.

Nasa kamay nga­yon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade kung pakikinggan ang panawagan ni Poe, o patuloy na kukunsintihin ang iligal na paniningil ng mahal na multa sa mga iniimpound na PUV.

Nitong nagdaang araw, nabuwisit naman si Pimentel dahil sa dalawang beses daw siyang kinunan ng larawan para sa renewal ng kanyang lisensiya sa LTO branch sa Marikina City. Ang unang larawan daw kasi ay gagamitin ng IT company Stradcom para sa database at ang ikalawa ay para sa Dermalog na supplier ng ID license. Himutok ng senador, nagiging sanhi ito ng pahirap sa proseso ng driver’s license.

Ang balita ko, hindi lang ito ang palpak na sistema sa LTO kundi pati na ang pag-oobliga sa mga kumukuha ng driver’s license na isumite online ang requirement na medical certificate. Kung dati ay matagal na ang isang oras sa pagkuha ng medical certificate, ngayon ay halos isang buong araw mo na itong lalakarin. Anyare?

Sinisi pa ng LTO ang mga doktor na hindi nagpa-accredit sa kanilang bagong sistema. Eh kung ganun pala, bakit ang mga driver ang pinahihirapan niyo.