Nasawi ang apat na katao habang hindi pa matiyak ang bilang ng mga sugatan matapos mamaril ang nag-iisang suspek sa isang mall sa Burlington, Washington, USA.

Nabatid na hanggang sa kasalukuyan ay tinutugis pa ng pulisya ang suspek na inila­rawang ‘hispanic male wearing gray’ na agarang nagpaputok ng dala nitong baril sa loob ng Macy Department Store.

Ayon sa report kahapon nang makatanggap ng report ang mga pulis hinggil sa sunud-sunod na putok galing sa loob ng mall.

Inilabas na ng awtoridad mula sa isang CCTV camera ang mukha ng isang batang suspek na may hawak na mahabang baril at walang awang pumatay sa apat na kababaihan at nakasugat sa iba pang namimili.

Blangko pa rin ang kapulisan sa pangyayari at patuloy na nangangalap ng mga nakasaksi sa krimen upang mailatag ang susunod na hakbang para mabitag ang salarin.

“Right now we can’t assume anything. So they’re still interviewing witnesses and trying to get a good idea of exactly what action next. Stay inside ang obviously report anything suspicious that they may see,” pahayag ng mga awtoridad.

Sa ulat, huling nakita ang suspek na naglalakad lang palayo sa pinangyarihan ng insidente.

Pansamantalang isinara ang mall bilang respeto sa mga biktima ng karahasan habang pinaghahanap at inaalam ang pagkakakilanlan at motibo ng suspek.