Apaw-kaldero ang pa-bonus sa tropa!

Sabi sa isang survey, 48 porsiyento ng mga Pinoy ang umaasang magiging masagana ang kanilang darating na Pasko. At mukhang kasama nila sa paniniwala itong isang opisyal sa gobyerno dahil sa dami ng kuwarta na kaniyang ipinapamudmod.

Bulong ng isa nating kurimaw na atat nang matapos ang Pasko dahil hikahos, happy ang mga kasamahan ni opisyal dahil sa napakalaking ‘bonus’ na ipinamimigay nito. Bossing kasi si opisyal ng isang makapangyarihang sangay ng gobyerno at napakarami niyang ‘tauhan’ na dapat pasa­yahin ngayong Pasko.

Sa laki nga raw ng ‘bonus’, as in mag-uumapaw ang kaldero sa pinakawalan ni opis­yal, aba’y tinalo pa niya ang ipinamigay na bonus ng dating namuno sa naturang sa­ngay. Pero ang mala­king tanong, saan kaya kinuha ni opisyal ang pondo na ipinamigay niya? Mula raw kaya sa mga nasubing pondo dahil sobra raw itong nagtipid sa gastos ng kaniyang sangay? O baka raw galing sa ‘kupit’ ng isang malaking proyekto na kanya ring hinawakan?

Sabagay, hindi nakapagtataka kung magpamudmod ng pera sa kanyang mga kasamahan ang opis­yal. Baka kasi sa susunod na taon eh may mag-interes sa puwesto niya at big­la siyang masibak. Mabuti na nga naman na ngayon palang eh mabili, este naligawan na niya ang katapatan ng kanyang mga kasamahan.

Malamang kung may magkainteres man sa puwesto ni opisyal, sasabihin lang niya sa mga tauhan niya na ipagtanggol siya para manatili at hindi siya maaalis at maging happy pa rin sila sa 2020 Christmas. Ang magi­ging problema niya lang, baka malaman ni President Mayor Digong Duterte ang kanyang ginagawang pagwaldas sa pondo ng sangay niya at mapaaga ang pagsibak sa kaniya sa puwesto

Sa dami ng isyu at alegasyon sa opisyal na ito, dapat siguro eh kasama na siya sa mga dapat imbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC). Pagkatapos ay ipadala sa Palasyo ang magiging resulta para malaman ng Pangulo ang tunay na pagkatao ng kanyang ‘pinagkakatiwalaang’ opisyal.

Samantala, hindi sana ma-hopia ang marami nating kababayan na umaasa at naniniwala na magiging mas masaya ang Pasko nila ngayong taon kumpara noong 2018. Kung tutuusin, halos magkapareho lang naman ang puntos sa pangkalahatang bansa tungkol sa mga umaasang magiging masagana ang darating na Pasko.

Ngayong taon, 48 porsiyento ng mga natanong o na-survey ang naniniwalang mas masagana ang Pasko, habang 49 porsiyento naman noong nakaraang taon. Ang kapansin-pansin, mas dumami ang nagsabing mas magiging hikahos sila sa darating na Pasko na 11 porsiyento, kumpara sa walo lang noong nakaraang taon.

Pinakamarami sa hanay ng Pinoy na naniniwalang mas mahirap ang Pasko nila ngayon ay mula sa hanay ng mga pinakamahihirap, o class E. Mula sa 10 porsiyento noong 2018, nadagdagan ito sa 19 porsi­yento ngayong taon. Ibig sabihin, ang mga mahihirap, naniniwalang mas hihirap pa ang buhay nila.

Ang mga nakaririwasa naman o nasa class ABC ang naniniwala na mas magiging masagana ang Pasko nila sa bilang na 68 porsiyento. Mas mataas ito ng tatlong porsi­yento kumpara noong nakaraang taon. Hindi na siguro ito nakapagtataka kung ang pagbabatayan eh ang sangkatutak na tao sa mga mall, at mga sasakyan sa kalye noong Pasko.

Mula naman sa Mindanao ang pinakamaraming naniniwala sa masaganang Pasko na 57 porsiyento, habang sa Balance of Luzon ang pinakamaraming nagsabing mas magi­ging mahirap ang Pasko nila.

Gayunman, dahil mas marami ang nakaririwasa sa buhay, sana lang eh magkaroon ng paraan para maambunan nila ng grasya ang mga hikahos. Hindi ba’t may kasabihan tuwing Pasko na “its better to give than to receive.” Kaya ang mga nakaka-L.L. o nakakaluwag-luwag gaya ni opisyal, aba’y
magbigay na kayo ng kaunting pampangiti sa mga kababayang G na G o gipit na gipit. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”