Pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahain ng Statement of Contributions and Expenses (SOCE) ng mga kumandidato sa nakaraang eleksyon.
Ito ay matapos ang botohan na isinagawa ng Comelec en banc hinggil sa apela ng Liberal Party (LP) at ilang partido pulitikal na palawigan pa ang Hunyo 8 deadline na itinakda para sa paghahain ng SOCE matapos ang Mayo 9 national at local elections.
Itinakdang muli ng Comelec ang pagsusumite ng SOCE ng LP at iba pang partido at kandidato hanggang Hunyo 30 para magsumite ng kanilang mga dokumento.
Kabilang sa mga kumampi para sa pagpapalawig sina Commissioners Arthur Lim, Al Parreño, Sheriff Abas, at Rowena Guanzon.
Habang ang tumutol naman ay sina Comelec chairman Andres Bautista at Commissioners Luie Guia at Christian Robert Lim, na pinuno ng Comelec campaign finance office na nagrekomenda na ibasura ang apela ng LP.
Sinasabing maliban sa LP ay bigo rin na magkapaghain ng SOCE sina LP standard bearer Mar Roxas, gayundin ang 15 senatorial candidates, 40 gubernatorial bets at 115 congressional candidates.
Gayundin, dalawa pang national parties ang hindi pa rin nakakapagsampa ng kanilang SOCEs ang Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada at Aksyon Demokratiko. (Noel Abuel)