Apelyido ng mister puwede nang burahin ng mga misis

Hindi na kailangang pumunta sa korte ang mga babaing inabandona ng kanilang mga asawa para tanggalin sa kanilang pangalan ang apelyido ng kanilang mister kapag naipasa na ang panukalang batas ni dating Pa­ngulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo hinggil dito.

Sa ilalim ng House Bill 6028 na tinawag na “Reversion to Maiden Name Act” na inakda ni Arroyo, bukod sa inabandona, makikinabang din sa panukalang batas ang mga babaing naaprubahan na ang kanilang legal separation, dissolution of marriage at maging kung mabalo ito.

Ginawa ni Arroyo ang nasabing pahayag dahil madalas na kailangan munang pumunta sa korte ang mga babae para ipaalis sa kanilang pangalan ang apel­yido ng kanilang mister.

Dahil dito, ayaw nang pahirapan ni Arroyo ang mga kababaihan at bibigyan na ang mga ito ng kapangyarihan na alisin o burahin ang apelyido ng kanilang mister sa kanilang pangalan sa ganitong mga kaso.

Kailangang lang pumunta ang mga babaing ito sa office of the Civil­ Registrar para ipaalis ang apelyido ng kanilang mister sa kanilang pangalan na hindi na kailangang gumastos ng mahal.