Dahil sa pagtatangkang umalis ng bansa gamit ang huwad na Canadian passport, isang Aprikana ang ikinulong ng Bureau of Immigration (BI).
Sa ulat kay BI Commissioner Jaime Morente, kinilala ang pasahero na si Safae Hazot Medin Omran, 31, na naaresto noong Disyembre 2 sa departure area ng Mactan International Airport sa Cebu.
Si Omran ay pasakay na sana ng Eva Airways flight papuntang Taipei sa kanyang pinal na destinasyon sa Vancouver, Canada nang pigilang makaalis ng mga miyembro ng BI travel control and enforcement unit.
“She initially insisted that she is a Canadian citizen despite irregularities, discrepancies and signs of alterations on her Canadian passport. She also could not present any other identification document to prove her Canadian citizenship,” ayon pa sa ulat.
Kalaunan ay inamin ng dayuhan ang kanyang totoong nasyonalidad sa pamamagitan ng pagpapakita ng Eritrean passport na nakatago sa kanyang bagahe. (Mina Aquino)