Ni Nonie Nicasio
Aminado ang BakClasher na si Inah Magenta na may nararamdaman siyang kaba sa pagsabak sa semifinals ng ‘BakClash’ ng “Eat Bulaga.” Sa live na panayam ng online show ng Abante Tonite na Tambayan ng Tsika kasama ang isa pang comedian na si Wonder Gray, magkahalong kaba at lungkot daw ang nararamdaman ni Inah ngayon.
“Nakakakaba po, kasi po lahat kami, iyan din ang gusto namin, mangyari na po ang semifinals para after ng semis, grand finals na,” panimula ni Inah Magenta.
Sambit pa niya, “Nakakakaba at nakakalungkot kasi mababawasan kami, sampu going to six na lang. Siyempre may kaba po, ‘tsaka natatakot din naman po ako, pero kasi kung anumang mangyari, matalo o manalo, go lang. Kung sino man ‘yung deserving na makapasok sa anim, deserve na makapasok talaga,” lahad niya.
Ano ang nagawa ng segment na ito ng EB sa kanyang buhay at career? “Sobra, kasi nitong March 7 lang, namatay ‘yung kapatid ko. Iyon ‘yung may solo performance kami sa ‘Eat Bulaga,’ isa-isa. Tuesday ‘yun eh, pinatapos muna ako kumanta ng solo performance ko, tapos after niyon, mga ilang minutes, patay na siya. So nakakalungkot ‘yun, kasi nandoon ako sa punto na okay ako, pero may patay ako.
“Ang laki ng naitulong, kasi ‘yung mga classmate ko, nag-share-share sila para makapagbigay ng tulong. ‘Yung mga taga-Luzon, Mindanao…
“‘Yung ‘Eat Bulaga’ grabe ‘yung nagawa sa buhay ko, ‘yung mga hindi ko kayang bilhin noon, nabibili ko na. Nakatulong ako sa mga kapatid ko, naging okay ‘yung life ko, ‘pag nagraraket ako, iba na ‘yung talent fee ko.
Isa ‘yan sa mga naging dahilan kaya pumirma ulit ako ng pangalawang kontrata sa manager ko. Kasi gusto niya akong i-handle uli, bilang si Inah Magenta na, hindi na Wonder Black. Inah Magenta na talaga, bilang Bakclash ng ‘Eat Bulaga.’
“So after ng ‘Eat Bulaga,’ matalo o manalo, may mga project akong naghihintay sa akin sa TV. Balik showbiz ulit ako, after ko ng ‘Eat Bulaga,’ after ng Bakclash.”
Anyway, gabi ng tawanan ang handog ni Inah sa “Abante Hahaha!” sa April 1 sa Music Box Comedy Bar, Timog Avenue, QC 7PM. Makikipagpatalbugan siya kina Ara Muna, Dionisia Clara ‘Tuod’ Dela Fuente, ‘Chuffa Mae’ Kaka Bigornia, Kristal Colarina, Truman, Wonder Gray at may isang sikat na komedyante na special guest. Hosts sina Rey Pumaloy at Dondon Sermino.
“Ito po ‘yung sinasabi ninyong bakit Hahaha ang pinili ko kaysa sa Hehehe, kasi nga Hahaha, marami kaming pasabog sa April 1 sa Music Box po. Para sa Abante po iyan. Abangan n’yo po, at marami kaming mga kasama na celebrity artists po, abangan n’yo po iyan,” sambit pa ni Inah. Para sa ibang detalye, tumawag sa 0905-359-5091.