Aprub ka ba sa online classes?

Part-time lecturer ako sa apat na kolehiyo sa Metro Manila. Nang ipatupad ang community quarantine sa Metro Manila, tuloy pa rin ang aming trabaho. With the advent of technology, we are advised to work from home thru online classes. Kaya nagdownload ako ng google classroom at google hangouts para may magamit if we want to engage in a video conference.

Di kalaunan, ipinatigil ito ng maraming unibersidad lalo na nang palawakin ang sakop ng quarantine kung saan buong Luzon na ang kasali at isinailalim na ang buong bansa sa state of calamity.

Ngayong mas pinahaba pa ni Pangulong Duterte ang lockdown hanggang katapusan ng Abril, naglabas na ng official announcement ang ilang unibersidad kaugnay sa pagtatapos ng semester. Ang iba, may tuition refund pa.

Totoo naman, maraming hamon sa paggamit ng teknolohiya. Unang-una na ang stable net connection. Laging reklamo ng mga bata sa tuwing may online session, wala silang internet o kaya naman naka-data lang kaya mabagal at hindi kayang sumabay sa video conference. Bilang guro, hindi mo sila puwedeng piliting lumabas nang bahay para mag-computer shop. Walang silbi ng home quarantine kung lalabas din sila ng bahay.

Aminin man natin o hindi, lahat tayo’y stressed sa nangyayari sa buong mundo. Marami ang nawalan ng pagkakakitaan, especially ‘yung mga arawan ang trabaho. Hindi lang naman Pilipinas ang tinamaan ng COVID-19. Katunayan, global pandemic ito kung ituring ng World Health Organization. Ito ang pinakamahirap na giyera. Hindi mo nakikita ang iyong kalaban. Kaya lahat tayo, napapraning.

Kung ako ang tatanungin, sang-ayon ako sa pagsuspinde ng online classes. Bilang college lecturer, ayoko nang dumagdag pa sa alalahanin ng mga bata ngayong nasa krisis ang bansa. More than anything else, siguro mas dapat nilang tutukan ang kalusugan ng pamilya. Sa totoo lang, hindi na ito usapin ng stable internet connection para makasunod sila sa online sessions. Hamon at laban ito ng lahat kung paano ililigtas ang bawat isa.

May ilan pa ring eskuwelahan na itinuloy ang online classes. In fairness, mahigit 90% diumano ng kanilang estudyante ang compliant sa online sessions. May punto naman ang school management – ayaw nilang madisrupt ang klase. ‘Yun nga lang, dapat may leniency ang mga teacher. Hindi naman din lahat may stable net connection.

At the end of the day, kung kaya – bakit hindi. Sayang naman ang teknolohiya kung hindi gagamitin.