Ayaw palampasin ni Perlas Pilipinas coach Patrick Henry Aquino ang napakalaking tsansa na makamit ng bansa ang mailap na unang gold medal sa women’s basketball sa paghu-host ng sa ikaapat na beses na pagkakataon sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa darating na Nov. 3-Dec. 11.

Nabatid kay national coach, na nakatakda silang maghanap ng kailangang matatangkad na manlalaro na isasahog sa kasalukuyang mga miyembro ng Perlas upang tuluyan na nitong maputol ang matagal na pagkauhaw sa SEA Games gold sapul noong 1977.

“Hahanap kami ng kailangang naturalized player, kahit na anong lahi, basta iyung pupuno sa kulang natin sa team,” litanya ni Aquino, na nakatakdang magtungo sa Estados Unidos upang maghanap ng basketbolista.

“Sana mapagbigyan tayo kahit isang naturalized player na makakatulong ng malaki sa team. Matagal na rin nating gustong maiuwi ang unang SEAG gold. Pero lagi tayong kinakapos o kung hindi man nadadale tayo sa format. Kaya sana mas maganda kung sureball natin laluna dito sa Pilipinas gagawin,” panapos niya.