Arabo natangayan ng $2,000 sa Cotabato

Nahaharap sa kasong pagnanakaw ang tatlong room boy ng Alnor Hotel sa Cotabato City sa Min­danao matapos na limasin ng mga ito ang $2,000 mula sa maleta ng isang turistang Arabo.

Ayon sa mga ulat, inireklamo ng biktimang si Abdullah Abdulqader Khawaja ang pagkawala ng kanyang salapi ng matapos bumalik galing sa pagsamba sa isang mosque. Agad nag-imbestiga ang pamunuan ng hotel at doon nabuko na mismong mga empleyado pala nito ang nasa likod ng pagnanakaw.

Nakilala ang mga suspek na sina John Ravelo, Jeffrey Ignacio at Edgar Benito. Nabawi sa kanila ang mga ninakaw na salapi na diumano’y pinaghati-hatian na.

Nahaharap sa kasong theft ang tatlong room boy na tumangging magbigay ng pahayag.