Dear Editor:
Maraming aral ang matututunan sa nangyari sa Marawi. Una dito ay walang maidudulot na kabutihan ang terorismo. Sisirain nito ang payapang pamumuhay ng bawat mamamayan para sa maling paniniwala. Pangalawa, dapat maging mapagmatyag at makipagtulungan sa gobyerno para sugpuin ito. Mismong tayo sa sarili nating lugar ang dapat rin na magprotekta hindi lang ang mga sundalo at otoridad. Pangatlo ay ang pagmamalasakit natin sa ating kapwa na nakita natin ang pakikiisa at buhos ng tulong ng mga kababayan natin para mabigyan ng tulong ang mga sundalo at mga kapatid nating Maranao. At ang huli, dapat pahalagahan natin ang buhay na mayroon tayo, kung ano ang mayroon tayo.
Dati wala akong pakialam sa ibang tao. Ang tinitingnan at pinapansin ko lang ay ang aking sarili at mga taong malalapit sa akin. Nagbago ang lahat ng ito ng makita at mapanood ko sa mga balita ang sitwasyon ng mga sundalo. Nakakapanghina at masakit na makita silang nahihirapan para sa kapakanan nating lahat. Mabigat sa kalooban na malaman na pinaghahatian pa nila ang isang lata ng sardinas pero kahit ganoon nakukuha pa rin nilang magpasalamat at ngumiti. Wala kang reklamo na maririnig sa kanila di tulad natin na hindi lang masarap ang luto panay reklamo na. Mapuyat lang tayo parang sirang-sira na ang araw natin samantalang sila walang tulog dahil may trabaho pa sila at mula umaga hanggang gabi walang humpay ang putukan. Hindi ko makinita ang araw-araw na hirap na dinadanas nila. Kung ako ang nasa sitwasyon nila hindi ko ito kakayanin at gugustuhin ko nang umuwi. Gustuhin man nga nilang umuwi pero hindi ito pwede dahil sa tungkulin nila. Kahit na nakikita ko sa mga litrato sa internet na nakangiti ang mga sundalo nararamdaman ko sa likod nito ay may lungkot. Kaya bilib ako sa katatagan nila. Hindi talaga matatawaran ang sakripisyo nila at hindi rin matatawaran ang katatagan, lakas ng loob at determinasyon na mayroon sila.
Sana nga ay hindi mabalewala ang sakripisyo ng bawat sundalo at sana huwag isipin ng mga bata sa evacuation centers ngayon sa Marawi na bayani ang mga teroristang Maute dahil hindi karapat-dapat silang matawag na bayani. Walang bayani ang pumapatay ng kapwa niya, walang bayani ang pumapatay ng inosenteng tao, at walang bayani ang nananakit at ginagamit ang paniniwala para pumatay. Dahil ang bayani ay ang taong handang masaktan at ibuwis ang buhay para sa kabutihan at para sa kapakanan ng nakararami higit pa sa buhay niya. Sana magkaroon din ng pamamaraan ang ating gobyerno na maprotektahan ang mga bata na malihis sa maling paniniwala. Huwag natin hayaan na mahikayat sila ng mga terorista na maniwala sa maling paniniwala. Wag natin hayaan na maulit ang nangyari sa Marawi. Magkaisa tayo para labanan ang terorismo dahil para sa atin din ito.
Hindi ko man kayang lumaban at humawak ng baril tulad ng mga sundalo pero kahit sa maliit na bagay mapasalamatan sila sa pamamagitan ng liham na ito at maiparating ko sa kanila ang pagsuporta ko at patuloy na pagdadasal na makauwi silang lahat ng buhay para makapiling na nila ang kanilang pamilya. Sa lahat ng naganap na ito sana ito ay maging aral at magkaisa tayo na labanan ang nais na sumira at manggulo sa ating bansa.
Isabelle D. Soriano
Lucena City
***
Dear Sir:
Kamangha-mangha ang taong nasa likod ng pagbibigay ng donasyon sa mga pamilya ng mga sundalong nasawi sa Marawi. Hanggang ngayon kasi ay nananatiling lihim ang katauhan nito, kumbaga, hindi niya ipinapangalandakan ang binibigay niyang tulong upang tingalain siya. Marahil sa panseguridad na rin na dahilan, ngunit kakaiba talaga. Dahil nasa 98 milyong piso na ang kanyang naipapamahagi sa naulila ng mga sundalo.
Batid natin an hindi matutumbasan ng halaga ang bawat buhay na isinasakripisyo ng mga sundalo para sa ating lahat at sa ating bayan. Ngunit sa pagkakataong ito sana marami pang samaritano ang magpaabot ng kahit simpleng tulong para sa ating mga kababayang biktima ng terorismo at sa mga naulila ng ating mga sundalo.
Louch Aquino
Bataan