Pinagmumulta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng P190 milyong multa ang Uber kapalit ng pagbawi sa kanilang suspensyon.

Ang sinisingil na multa ayon kay LTFRB spokesperson Atty. Aileen Lizada ay ibinase sa average na daily earnings ng transport network company (TNC).

Dahil naglalaro raw sa P7 milyon hanggang P10 milyon ang kinikita ng Uber kada araw ay papalo sa P190M ang dapat na multa ng Uber na kukunin mula sa 25 porsyento ng share mula sa booking fees sa kanilang partner-drivers at hinati sa average na 150,000 daily trips.

Bago lumutang ang paniningil ng P190M multa sa Uber para makapag-operate ay nag-alok ito ng P10M multa para bawiin ang ipinataw na suspensyon.

Hangga’t hindi pa magkasundo ay iginiit ng LTFRB sa Uber na ituloy ng kumpanya ang pagbibigay ng financial assistance sa mga apektadong driver.

Napakalaking halaga ng ipinataw na multa ng LTFRB sa Uber para makabalik sa kanilang operasyon matapos na patawan ng isang buwang suspensyon.

Kaya kung ako sa Uber ay tapusin ko na lang ang ipinataw na suspensyon ng LTFRB kesa maglabas pa ng pera.

Kahit sabihin nating kikitain ito ng Uber sa kanilang mga partner-drivers masakit pa rin ito sa bulsa.

Ang dapat gawin ng Uber ay tumalima sa batas at sa ipinatutupad na regulasyon ng LTFRB para hindi napapatawan ng suspensyon at multa upang sa gayon ay maging smooth ang kanilang operasyon.

Malamang sa sinapit na ito ng Uber ay lalagay na sila sa ayos dahil kung hindi ay paulit-ulit na suspensyon lamang ang kanilang aabutin at mapeperhuwisyo ang kanilang operasyon.

***

Kaugnay pa rin sa suspensyon ng Uber, totoo ang balitang lumobo nang todo ang singil ng karibal nitong TNC, ang Grab.

Mismong ang inyong lingkod ang naka-experience, halos doble ang dati kong ibinabayad sa kasalukuyan nilang singil.

Bagama’t nauna nang ibinalita ng LTFRB na maaring magreklamo at mag-refund ay mahirap ito para sa ibang pasahero.

Bakit hindi na lang abisuhan ng LTFRB ang Grab at ipaayos ang sistema ng kanilang paniningil upang hindi na maulit ang pangyayari, kaawa-awa naman ang mga pasaherong pikit-matang magbabayad ng mahal dahil walang choice.

Malinaw ding pagsasamantala ang kanilang ginagawa dahil suspendido ang isa sa mahigpit nilang kalabang TNC kay may lakas ng loob silang magtaas ng singil.

Napakaraming problema kinakaharap ngayon ng LTFRB pero sana ay magkaroon sila ng sapat na panahon para tutukan ang mga ito dahil sobra-sobra na ang paghihirap na pinagdadaanan ng mga commuters.