Congratulations kay Noel ‘The Kid’ Araniel sa pagkakapanalo ng Asian Poker Championship Main Event nitong nakaraang linggo sa Metro Card Club sa Ortigas, Pasig.

Kontrolado ni Martin Gonzales ang aksyon sa final table pero biglang umarangkada si Araniel matapos magkaroon ng four-way deal. Naka-double up si Araniel kay Mike Takayama at sinibak si Emmanuel Segismundo para maagaw ang chip lead bago ang heads-up nila ni Gonzales.

Pero dahil sa nagkaroon ng deal, si Gonzales pa rin ang pinakamalaki ang naiuwi dahil kalahati ng total chips ay nasa kanya noong apat pa silang natitira. Nasa P2,238,066 ang nakuha ni Gonzales habang P1,525,877 naman ang napunta kay Araniel. Mas malaki rin ang nakuha ng fourth placer na si Takayama (P1,454,572) kumpara sa third placer na si Segismundo (P1,006,885).

Kinapos sa dulo ang pinakamainit na poker player ngayon sa bansa na si Florencio Campomanes IV na tumapos sa ikalimang puwesto at nagbulsa ng P500,000. Roller coaster ang naging takbo ni Campomanes sa huling araw ng laban at isa siya sa mga na­ging biktima ni Gonzales kaya lumobo ang chips nito.

Impresibo pa rin ang performance na ito ni Campomanes na pumangalawa sa High Roller Event ng serye. Sa huling apat na malalaking events na kanyang sinalihan ay second, first, second, fifth ang kanyang puwesto.

Nalaglag sa ikaanim na puwesto ang overnight chip leader na si Derrick Hernandez at nakuntento na lang sa premyong P380,000. Best finisher sa mga foreign players ang seventh placer na si Seokyung Lee na kumolekta ng P300,000.

Sa susunod kong kolum ay ibabahagi ko sa inyo kung paano kinukuwenta ang hatian sa premyo kapag nagkasundo na magkaroon ng deal ang mga natitirang player.