Dear Kuya Rom,
Siya ay babaeng hinahangaan ko. Maganda, mabait at magiliw. Ako ay 32-anyos at siya’y 28 nang magdesisyon akong pakasalan siya. Masaya siya sa araw ng kasal.
May honeymoon kami sa Palawan noon, pero sa first night namin, nasasaktan ako. Malusog naman ako, walang ibang sakit, pero hindi ako komportable.
Isang taon na kaming nagsasama ngayon na parang magkaibigan lang. Ang dahilan, hindi ko siya napapaligaya pagdating sa sex. Gumagawa ako ng ibang paraan para masiyahan siya, ngunit alam kong bitin siya. Ako ay nalulungkot dahil dito. Kahit sa trabaho ko, siya ang laman ng isip ko.
Naaawa ako sa kanya at parang gusto ko nang bigyan siya ng layang gawin niya kung saan siya maligaya. Pero hindi ko magawa, kasi mahal ko siya, at ayaw kong mawala siya sa aking buhay.
Tawagin mo na lang akong Vanni. Pakiramdam ko hindi ganap ang aking pagkalalaki dahil hindi ko nabibigyan ng ligaya ang misis ko. Nakaka-depress ang sex life namin. Araw-araw at gabi-gabi na lang bang ganito ang mangyayari? — Vanni
Dear Vanni,
Maraming paraan para kayong mag-asawa ay lumigaya, kaya’t huwag kang ma-depress. Iwasan mo ang depression sapagkat ito ay magpapalala lamang sa bigat ng sitwasyon. Ang depression ay humahantong sa suicide, kaya’t huwag kang padadala sa lungkot na nararamdaman.
Mahalaga ang sex. Gayunman, unawain mong ang sex ay isang bahagi lamang ng relasyon ng mag-asawa. Pagdating sa sex, kung may sakit kang nararadaman, hindi nangangahulugang hindi ganap ang iyong pagkalalaki. Ang totoo, ikaw ay lalaking-lalaki, sapagkat ikaw ay may tapang at paninindigan. Pinakasalan mo ang babaeng mahal mo. Ito ay ginawa mo sa gitna ng laganap na imoralidad at walang kasalang nagaganap sa maraming mga lalaki at babae na nagsasama bilang live-in sa panahong ito.
Upang malaman mo kung ano talaga ang dahilan kung bakit ka nasasaktan sa sex, magandang magpatingin ka sa doktor. Huwag kang matakot. Harapin mo ang problema na buo ang loob. Manalig kang sa biyaya ng Diyos, makikita mo ang kasagutan sa iyong mga katanungan at lunas sa iyong nararamdaman.
Bilang lalaki, ikaw ay pinuno ng pamilya. Kung may problema, ikaw ang dapat na manguna sa paghahanap ng solusyon.
Pagbutihin mo ang iyong trabaho upang hindi kayo mahirapan. Mamuhay ka ng simple upang makapag-impok ka ng pera sa bangko. Bilang lalaki, responsibilidad mo ang sigurihing handa kayo sa pagharap ng anumang pagsubok at problema sa pera.
Maging romantiko ka. Paminsan-minsan, mag-uwi ka ng bulaklak o simpleng pasalubong para kay misis. Maaaring maghanap ka ng isang tula ng pag-ibig sa Internet, isulat mo sa isang espesyal na papel, wisikan mo ito ng pabango at buong pagmamahal na ibigay mo ito sa kanya. Makakatiyak kang siya ay magiging maligaya. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom