‘Araw ng Maynila’ iaalay sa mga frontliner

Habang tayo ay nakapagdesisyon na wala nang magiging magarbong aktibidad sa pagdiriwang ng ‘Araw ng Maynila’ na tampok sa 449thanibersaryo ng Maynila sa Hunyo 24, naniniwala ang inyong lingkod na ang nasabing okasyon, na kauna-unahan sa ilalim ng aking administrasyon, ay magiging ‘most memorable’ sa lahat.

Ito ay sa simpleng dahilan na kami ni Vice Mayor Honey Lacuna ay nagsasagawa ng mga plano para gawing markado ang pagdiriwang ng araw sa pamamagitan ng pagkilala sa lahat ng ‘frontliners’ na araw-araw ay humaharap sa panganib at inilalagay din sa balag ng alanganin ang kalusugan ng kanilang mga mahal sa buhay para lamang matiyak ang kaligtasan nating lahat laban sa coronavirus disease.

Sa katunayan, akin nang inatasan ang walang kapagurang hepe ng department of tourism culture and the arts Manila (DTCAM) na si Charlie Dungo, upang huwag nang magtakda ng mga regular na ‘lineup of activities’ na karaniwan nang ginagawa patungo sa Hunyo 24.

Sa halip, nais ko ay papurihan ang mga frontliners, na ating itinuturing bilang mga bayani ng makabagong panahon at ating iaalay ang espesyal na ‘Araw ng Maynila’ para sa kanila.

Walang uri ng halaga o papuri ang makatutumbas sa uri ng dedikasyon at trabaho na ginagampanan ng ating mga frontliners sa pagsawata sa COVID-19.

Sila ang mga doctors, nurses, hospital staff, health personnel, police at barangay authorities at mga hepe at tauhan ng iba’t-ibang offices, bureaus at departments ng pamahalaang-lungsod na maghapon at magdamag na nagta-trabaho upang makatulong sa pagdala ng ‘essential services’ para sa mga mamamayan ng Maynila.

Talaga namang ipinagmamalaki ko maging ang mga hepe at empleyado na bagamat hindi kabilang sa itinuturingna ‘essential’ ay talaga naman humanap ng paraan upang makatulong sa lungsod at sa mga residente ngayong panahon ng pandemic.

Marapat ding bigyan ng pagkilala sa espesyal na araw ng anibersaryo ng lungsod ang mga donors na walang sawang tumutulong sa mga pangangailangan ng pamahalaang-lungsod sa pamamagitan ng kanilang mga donasyon, cash man o ‘in kind.’.

Bagamat hindi ako nagsasawa na pasalamatan silang lahat tuwing ako ay may live public address, gusto pa rin namin ni Vice Mayor Honey na ipakita ang aming lubos na pasasalamat at utang na loob, mula na din sa mga taga-Maynila, sa kakaibang paraan.

Hindi naghahanap ng pagkilala ang ating mga donors dahil katunayan, marami sa kanila ang ni ayaw ipabanggit ang kanilang pangalan.

Ang mga natipong cash donations ay malayo ang mararating at sa katunayan, ito ang gagamitin ng pamahalaang-lokal para sa isang programa na dalawa agad ang pakinabang.

Kukuha ang lungsod ng may 100 mananahi at master cutters upang gumawa ng mga face masks dahil marami sa mga residente ng lungsod ang wala nito. Habang binibigyan natin ng proteksyon ang mga residente laban sa coronavirus, mabibigyan din natin ng pagkakakitaan ang maraming taga-lungsod.

Ang gagawin nila ay mga ‘washable face masks’ na maaring gamitin ulit, dahil ang ‘disposable, single-use’ facemasks ay kailangang palitan araw-araw at bawat isa nito ay nagkakahalaga ng mula P25 o P28 kada isa at ang pagbili nito ay mabigat para sa pondo ng lungsod.

Nakabili na tayo ng 50 sawing machines at ngayon ay nasa proseso na tayo ng paghahanap ng mga materyales na ibibigay sa mga manggagawa, na babayaran batay sa kanilang produksyon.

Sa Maynila, ang bilang ng pamilya ay 670,000 batay sa bilang ng quarantine passes na inisyu ng mga barangay sa panahon ng community quarantine.

Ibig sabihin, kung bawat pamilya ay may tatlong miyembro, umaabot na sa mahigit dalawang milyon ang populasyon ng lungsod. Isipin na lamang magkano ang gastusin kung ang pamahalaang-lungsod ang siyang bibili ng mga face masks araw-araw hanggang sa matuklasan na ang bakuna laban sa COVID-19.

Ang pagsusuot ng face maks ay isa sa pangunahin at pinakamabisang paraan upang hindi mahawaan ng virus at upang hindi rin makahawa sa iba.

Kaya naman sa umpisa pa lamang ng pandemic ay mabilis na naipasa sa Maynila ang ordinansa na nago-obliga sa lahat na magsuot ng face mask kapag sila ay nasa Maynila. May parusa ring naghihintay sa mga lalabag.

Paulit-ulit kong sinasabi na ang kalagayan ng COVID-19 cases sa Maynila ay depende sa magiging kilos at gawi ng mga residente mismo.

Kung susundin nila ang mga basic protocols gaya ng pagsusuot ng face masks, madalas na paghuhugas ng kamay at pagkakaroon ng social o physical distancing, maaring mabawasan kundi man tuluyan nang mawala ang COVID-19.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’