Nakaligtas ang De La Salle Green Archers sa matatalim na kuko ng Adamson Growling Falcons matapos panain ang pahirapang 86-79 panalo kagabi sa Season LXXIX ng UAAP men’s basketball sa Mall of Asia Arena.

Kumayod si big man Ben Mbala ng 18 points at 10 rebounds para ipinta ang malinis na walong panalo ng Green Archers at manatili sa ibabaw ng standings.

Hawak ng Taft-based squad ang 81-79 abante 1:26 na lang sa fourth period bago tinarak ni Kib Montalbo ang panelyong tres para alisin ang kabog ng Green Archers.

Malakas ang panimulang laro ng Falcons, kapit ang 19-17 lead sa first quarter.

Bigla naman naghuramentado sa opensa sina Mbala, Abu Tratter at Ricci Rivero para harurutin ang 23-9 run tungo sa 40-28 bentahe at tapusin ang halftime na nasa unahan 44-33.

Lumobo sa 17 puntos ang lamang ng Archers sa third pero nakabalik ang Falcons.

Samantala, tumikada ng game-winner si Monbert Arong at sinuwag ng Far Eastern U Tamaraws ang National U Bulldogs 57-56 sa unang laro.

Nilansi ni Arong ang bantay na si 6-goot-6 Alfred Aroga para ipukol ang wide open jumper at ilista ang 6-2 karta ng Tamaraws.