Mga laro sa Miyerkules (MOA Arena)
2:00 p.m.– UE vs. UP
4:00 p.m. — Adamson vs. NU

Napiga pero nakapasa ang De La Salle sa pinakamatinding pagsubok na hinarap nila sa Season LXXIX ng UAAP men’s basketball.

Sa Smart Araneta Co­liseum kahapon, naiwan ng siyam ang Green Archers pero hindi nawala sa porma hanggang panain ang 75-66 panalo laban sa palaban na National U sa battle of unbeaten teams.

Pagkatapos ng panalo, ang DLSU na lang ang may malinis na kartada sa 4-0. Nadungisan ang Bulldogs sa 2-1.

Sa unang tatlong panalo ay kita ang dominasyon ng La Salle, pero dito sa pang-apat ay nasagad.

Nagsimulang huma­bol ang Archers nang maghipit ng depensa sa third. Lamang pa ang NU 54-52 papasok ng fourth pero nang mag-init si Jeron Teng ay hindi na nakaporma ang Bulldogs.

Kumana si Teng ng eight points sa fourth tu­ngo sa 23 points, kabilang ang back-to-back baskets para itulak sa unahan ang La Salle 60-57. Mula roon ay hindi na bumitaw ang mga taga-Taft.

“We were physically and mentally ready for the grind in the game,” bulalas ni Archers coach Aldin Ayo.

Hindi rin napigil ang big man ng La Salle na si Ben Mbala sa pagharabas ng 16 points at 15 rebounds.

Namuno sa NU ang dating La Salle player na si Matt Salem sa kinamadang 15 points, nine rebounds.