Ni: Rona Ronda
Arestado ang misis ng aktor na si Matt Evans na si Riza Katrita Evans, 32-anyos, dahil umano sa kasong Estafa sa bisa ng warrant of arrest na inihain sa Makati Metropolitan Trial Court Branch 66-A. Tinatayang P30,000 ang maaari niyang ipang-piyansa.
Bukod pa rito, may kinakaharap din siyang kaso ng cyber bullying sa Cebu pero nakapagpiyansa na siya.
Noong Oktubre, isiniwalat ni Matt sa isang panayam na idinemanda umano nila ang isang nanloko sa misis niya na nagkakahalaga ng P6M sa pagre-resell nito ng mga alahas at designer bag.
May exclusive report naman na nakalap ang Abante Tonite. May iba pang lumilitaw na pinagkakautangan umano ng misis ng aktor. Umabot na ito sa milyong halaga ang atraso niya.
Ayon sa biktima na itago na lang sa pangalang “MM”, nangutang umano sa kanya si Katrina ng halos 2 milyong piso at nangako na babayaran siya ng installment mula Oktubre 15, 2019 hanggang Abril, 2020.
Subalit ang pangako ni Katrina ay napako. Ayon sa source, binlock umano si MM ng suspek sa kanyang Facebook account.
“Bale 1 hulog lang pala sya nakapag bigay for October 15 pero 10k lang na send nya sakin s Viber n deposit transaction. Then yung for Oct 30 sinasabi nya n Nkapag hulog sya inutos dw s yata nya Sabi send dw nya yung transaction pero Wala sya sinend.
“Usapan nmin n everytime nag dedeposit sya mag send sya sakin ng screen shot or photo ng deposit slip pero once lang nya nagawa yung half ng hulog for Oct 15th,” lahad ni MM.
Ang pinanghahawakan na lamang ni MM ay ang kasulatan ng kanilang kasunduan, kopya ng valid ID na ibinigay ng suspek at ilang mga larawan ng mga tseke na umano’y tumalbog.
Ayon pa sa source, last year pa umano ang mga utang na ‘yun. Pinagbigyan niya na mabayaran siya hanggang March 31, 2019 bilang palugit.
“Usapan namin maghuhulog-hulog siya from last year til March 31st this year pero puro pangako lang wala siya naihulog kahit magkano. Kaya pinasok ko lahat cheke niya ng April at tumalbog lahat.
“Then nakipag-usap siya uli ng Oct. and nangako n magbabayad na siya ng P20K every 15th at 30th pero di siya tumupad sa napagkasunduan namin,” deklara pa ni MM.
Bukod kay MM, may lumitaw din na nagsasabing may 1 milyong piso umano ang atraso ng misis ni Matt. Kinukumbinsi na ito na sumama para kasuhan umano si Katrina. Pero isinaalang-alang niya ang pinagsamahan nila ni Matt kaya ayaw muna niyang gawan pa ng legal action. Naaawa raw siya sa aktor.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang kampo ni Katrina sa isyung ito. Bukas ang pahina ng Abante Tonite sa panig niya para sa ikakalinaw ng isyu.