Bukod sa hometown crowd, malaking bagay din sa Japan ang Argentine coach nila ngayong si Julio Lamas.
Sold-out na ang ticket sa Biyernes, November 24, sa bakbakan ng Japan at Gilas Pilipinas sa first window ng 2019 FIBA World Cup Asian qualifiers sa Komazawa Gymnasium sa Tokyo.
Nadagdag sa Japan si naturalized player Ira Brown na dating naglaro sa PBA. Nariyan din si NBA D-League veteran playmaker Yuki Togashi, balik na mula injury si Joji Takauchi kaya kumpleto na ang twin tower nila ng kakambal na si Kosuke.
Dalawang beses tinalo ng Gilas ang Japan sa 2015 FIBA Asia Cup sa Changsa, China, 73-66, sa eliminations at 81-70 sa semis – pero siguradong iba na ang galaw ng mga ito sa pagdating ni Lamas.
Ilang buwan na ring hinuhubog ng Argentine coach ang Japan squad.
Nasa resume ni Lamas ang karangalan bilang seven-time Argentine Coach of the Year. Siya ang nagtimon sa Argentina national team na sumabak sa 1998 at 2014 FIBA World Cup tournaments, at sa 2012 London Olympics.
Si Lamas ang nagmando sa koponan na kinabilangan nina Manu Ginobili, Luis Scola, Andres Nocioni at Pablo Prigioni sa championship ng 2011 FIBA Americas.
Maliban kay Terrence Romeo, nasa Tokyo na ang 15-man pool ng Gilas.
Tulad ni Lamas, sa bisperas ng bakbakan ihahayag ni national coach Chot Reyes ang kanyang final 12.
Sa Nov. 27 ay ihu-host ng Pilipinas ang Chinese Taipei sa Smart Araneta Coliseum.