Walang dadatnan­g ari-arian si da­ting Calaua­n, Laguna mayor Antonio Sanchez paglabas nito sa kulu­ngan dahil ipinag-utos na ng Sandiganbayan na kumpiskahin ang lahat ng kanyang mga lupain, salapi sa bangko at iba pa.

Sa inilabas na desisyon ng Sandiganbayan Fifth Division na nakuha ng mga mamamahayag kahapon ng hapon na nilagdaan ni Associate Justice Rafael L. Lagos, 22 lupain na pawang matatagpuan sa Calauan, Laguna ang pinakukum­piska ng Sandiganbayan kay Sanchez.

Maliban dito, pinapakumpiska rin ang isang residential building ng dating alkalde, tatlong sasakyan na kinabibila­ngan ng dalawang Mercedez Benz at isang Dodge Caravan at shares nito sa ERAIS lending kasama na ang kita.

Base sa desisyon ng anti-graft court, hindi ito naniwala na sa suweldo ni Sanchez galing ang mga ari-ariang ito dahil sa kabila ng kaliitan ng sahod ay marangya ang pamumuhay ng pamil­ya nito kung saan ang mga anak ay nag-aral pa umano sa London.

Magugunita na noong Marso 14, 1995, sinetensyahan ni Judge Harriet Demetriou ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 70 si Sanchez ng pitong reclusion perpetua o katumbas ng 360-taong pagkakabilanggo kaugnay ng panggahasa at pagpatay sa estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) na si Aileen Sarmenta, at kasintahan nitong si Allan Gomez.

2 Responses