Ariana dinaga nang maka-duet ang TNT Boys

Naisakatuparan ang isa sa mga panga­rap ng international sensation na TNT Boys nang sorpresahin sila ng pop superstar na si Ariana Grande . Ito’y sa guesting nila sa “The Late Late Show with James Corden” noong Martes nang gabi (Miyerkoles nang hapon sa Pilipinas).

Kilalang fans ni Aria­na ang trio nina Mackie Empuerto, Keifer Sanchez, at Francis Concepcion, kaya naman laking gulat na lang nila nang biglang lumabas si Ariana sa stage para makipag-duet sa kanila ng “And I Am Telling You I’m Not Going.”

“I’m obsessed with you guys. You guys are so incredible. That was so beautiful,” pahayag ni Ariana sa TNT Boys, na halos hindi naman makapagsalita dahil sa gulat at saya. Sinabi naman ni Francis, “Is this a dream?”

Matapos naman ang taping ng episode, nakipagchikahan at picture-an sa backstage ang “Thank U, Next” singer kasama sina Mackie, Keifer, at Francis at inaming kinabahan siya bago sumalang sa stage para sa kanilang duet.

Sinorpresa ni James ang TNT Boys nang malaman nitong idolo nila si Ariana mula sa usapan nila backstage sa international competition na “The World’s Best,” na pinapangunahan din ni James bilang host.

Bago naman ang performance ng TNT Boys sa “The Late Late Show,” tinawag niyang “the cutest boyband on the planet” ang trio nina Mackie, Keifer, at Francis.