Ariana Grande naagaw na ang korona ni Selena Gomez

Naagaw na ng Pop icon na si Ariana Grande ang korona ni Selena Gomez bilang reyna ng Instagram. Opisyal nang nahigitan ni Ariana na siya na ngayong itinuturing na pinakamaraming follower sa social media app o Instagram ang kapwa mang-aawit.

Dati ay si Selena ang may pinakamaraming tagasunod o sumusu­baybay sa social media kung saan nakapagtala siya ng 146,267,801 na tagasubaybay ayon pa sa Billboard. Pero nito lang Lunes ng hapon, si Ariana ay nakakuha ng 146,312,013 na Instagram follower. Sa totoo lang, kung susumahin ay napakaliit lang ng puntos na lamang ni Ariana kaya siguro kung magiging active muli si Selena sa kanyang singing career ay malaki ang posibilidad na maagaw niyang muli ang kanyang korona.

Sunod-sunod ang magagandang pangyayari sa karera ni Ariana dahil isa pang tagumpay – ang makapuwesto ang tatlo niyang awitin sa Billboard Hot 100 chart: “7 Rings,” “Thank U, Next” at “Break Up With Your Girlfriend, I’m Bored.”

Ito ang unang pagkakataon na ang isang mang-aawit ay nakakuha ng Top 3 spot nang sabay-sabay. Tanging ang Beatles pa lamang daw ang nakagawa ng ganito sa mga awiting “Can’t Buy Me Love,” “Twist and Shout” and “Do You Want to Know a Secret.”

Sa ngayon ay naghahanda na ang Pop icon para sa kanyang pagtatanghal sa Manchester, UK dalawang taon pagkatapos ng kanyang concert doon kung saan 22-katao ang namatay at daan-daan ang nasugatan sa naganap na suicide attack sa Manchester Arena show.

Pangungunahan ni ­Ariana ang 2019 Manchester Pride Festival, na magaganap sa Aug. 23 and 26.